Halos 13k katao apektado ng lindol sa Abra; sugatan lumobo sa 131
MANILA, Philippines — Lalo pang dumami ang mga naapektuhan ng magnitude 7.0 na lindol mula sa hilagang bahagi ng Luzon, bagay na nag-iwan na ng apat na patay at mahigit isang daang sugatan.
Ito ang pahayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) patungkol sa pagyanig nitong Miyerkules na siyang nagmula sa epicenter na Tayum, Abra.
Narito ang mga mahahalagang bilang tungkol sa insidente mula sa kanilang pinakasariwang situation report ngayong 6 a.m.:
- apektado: 12,945
- pre-emptive evacuation: 1,248
- lumikas sa evacuation centers: 541
- lumikas sa labas ng evacuation centers: 567
- apektadong rehiyon: Cordillera Administrative Region
- patay: 4
- sugatan: 131
Sa mga 131 na injured, 114 na ang kumpirmado habang 17 sa kanila ang "for validation" pa. Halos lahat ng kumpirmadong mga sugatan ay galing sa Cordillera habang isa sa kanila ay galing sa Cagayan Valley.
Papalo naman sa 857 kabahayan ang sinasabing bahagyang napinsala, habang 11 dito ang wasak na wasak. Lahat dito ay nagmula sa rehiyon ng CAR.
Aabot naman sa 17 imprastruktura ang napinsala mula sa Rehiyon ng Ilocos, Central Luzon at Metro Manila. Tinatayang aabot ang halaga ng pinsala sa P33.8 milyon sa Region 1 pa lang.
Ayon sa ulat ng dzBB, nakarating na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Vigan City, Ilocos Sur ngayong umaga upang bisitahin ang mga lubhang naapektuhan ng lindol. si Marcos Jr. ay dating gobernador at kinatawan ng Ilocos Norte.
Kahapon pa lang ay nasa probinsya na ng Abra si Social Welfare Secretary Erwin Tulfo upang magpaabot ng tulong sa mga nasalanta ng lindol.
"Nagpalabas na po tayo ng inisyal na P10 milyon cash para sa mga apektado ng lindol at dini-deliver na po ng [Department of Social Welfare and Development Province Office ang mahigit 1,000 food boxes para sa mga evacuues," wika ni Tulfo kahapon.
"Parating pa po ang higit 10,000 [food] packs mula sa CAR Regional Warehouse... and additional cash assistance."
- Latest