Ngayong SONA: Labor group inilapit 10-point demand kay Marcos Jr.
MANILA, Philippines — Hinamon ng ilang manggagawa ang bagong administrasyong aksyunan ang mga hiling ng mga manggagawa gaya ng umento sa sahod at pagbabasura sa kontraktwalisasyon — ito ilang oras bago ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno sa isang pahayag, Lunes, habang iginigiit ang agarang aksyon ng gobyerno sa papatinding krisis pang-ekonomiya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
"Ang buong sambayanan ay nakatutok at nakaabang sa sasabihin ni Jr. hinggil sa krisis. Wala pa kasi tayong naririnig na kahit anong plano para tugunan ito maski halos isang buwan na siya sa pwesto," ani KMU chairperson Elmer "Ka Bong" Labog kanina.
"Kaming mga manggagawa nga, ni hindi man lang nabanggit kahit minsan. Para bang bulag at mangmang itong si Jr. sa usapin ng sahod, trabaho at kabuhayan."
Kasalukuyang nakapako P570/araw ang pinakamataas na sahod sa Pilipinas. Una nang sinabi ni Marcos Jr. na hindi raw niya ipatitigil ang kontraktwalisasyon para sa lahat, kahit binanggit niya noong "prayoridad" niyang maipasa ang Security of Tenure Bill.
Nangyayari ang lahat ng ito ngayong nasa 6.1% ang inflation rate sa Pilipinas nitong Hunyo. Huling mas mabilis ang pagtaas ng presyo ng bilihin noon pang Oktubre 2018.
10-point labor agenda
Dahil diyan, naghain tuloy ang KMU ng listahan ng kanilang mga demands bilang bahagi ng sektor ng paggawa:
- Pagpasa sa House Bill 2173 o ang "Pro-Worker Security of Tenure" Bill, na layong i-ban ang lahat ng uri ng kontraktwalisasyon
- Pagpasa ng batas sa P750 National Minimum Wage
- Pagtanggal sa excise tax at EVAT sa langis at pangunahing bilhin, pagbasura sa Oil Deregulation Law
- Pagpapatupad ng programa para sa paglikha ng regular at disenteng trabaho sa bansa laban sa labor export policy
- Pagpapanagot sa lumalabag sa Occupational Safety and Health Standards law
- Isulong ang karapatan sa pag-oorganisa at pag-uunyon
- Pagtigil ng atake sa karapatan ng manggagawa gaya ng red-tagging, abduction, iligal na aresto at pagpatay
- Pagbabasura sa Anti-Terror Law, Alliance for Industrial Peace and Program Office at pagbubuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
- Pagsasaayos ng public mass transport at pagtatanggol sa kabuhayan ng mga tsuper
- Pagpapatupad ng "disente at abot-kayang" pabahay
Sabi ng labor group, labis na kailangan ngayon ng publiko ang ginawa dahil sa hindi pa nakaka-recover ang taumbayan sa paghihirap na naranasan noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinihintay pa rin ng mga manggagawa kung sesertipikahan ni Marcos Jr. bilang urgent ang HB 2173 na anti-contractualization bill ng Makabayan bloc.
Hinamon din nila si Bongbong na i-prosecute at panagutin si Digong sa kanyang mga "krimen" sa mga Pilipino. Sa sektor pa lang daw kasi ng mga manggagawa, 56 na ang napatay at 200 ang diumano'y iligal na inaresto.
"Ang hamon namin sayo, Marcos Jr., huwag mo nang uulitin pa ang kasaysayan. Huwag mong sundan ang yapak nila Duterte at ng ama mo na pawang nagpahirap at nang-abuso sa mga manggagawa," dagdag pa ni Labog.
"Kung may isang bagay tayong natutunan sa kasaysayan, noong tumitindi ang krisis at sinisikil ang aming mga batayang karapatan, ang mga manggagawa rin ang unang nagprotesta at bumasag sa katahimikan. Huwag na huwag mong kalilimutan ‘yon."
Kasama ang naturang grupo sa mga magproprotesta sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ngayong araw ang unang SONA ni Bongbong ngayong naaprubahan ng Quezon City local government ang permit to rally ng grupong Bagong Alyansang Makabayan.
- Latest