Pag-ban sa 'political messages' sa outfits ng SONA 2022 guests kinastigo
MANILA, Philippines — Binatikos ng ilang grupo ang pagbabawal ng pamunuan ng Kamara sa pagsusuot ng anumang attire na may dalang mensaheng pulitikal sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes.
Sa memorandum kasi na inilabas ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na pinetsahang ika-20 ng Hulyo, diretsahang sinabing bawal magsuot ng political costumes ang mga bisita sa SONA ni Bongbong — bagay na taun-taong nangyayari na hindi naman binabawalan.
"All attendees at the Plenary Hall and on video conference platforms shall wear Barong Filipino (for gentlemen), Filipiniana dress (for ladies) or appropriate business attire," ayon sa ulat ng GMA News, Biyernes.
"Wearing of clothes with political messages shall not be allowed."
Ikinagalit ito ng mga aktibista't progresibo, gaya na lang ng mga miyembro ng Makabayan bloc, lalo na't tila kauna-unahan ito sa kasaysayan ng Pilipinas.
Kilala ang mga militanteng kinatawan ng Bayan Muna, Gabriela Women's Party, Kabataan, ACT Teachers at Anakpawis party-list sa pagdadala ng mga kasuotang nagpapakita ng kanilang pulitikal na adbokasiya sa tuwing SONA ng pangulo.
Ilan na rito ang pagtataguyod ng human rights, pagbabasura ng Terror Law, pamamahagi ng lupa atbp.
Gabriela Rep. Arlene Brosas and ACT Teachers Rep. France Castro creatively used their fans to call for the increase of teacher’s salaries and increased gov’t support for basic social services. #SONAlive @PhilstarNews @PilStarNgayon pic.twitter.com/SthwZrmlT3
— James Relativo (@james_relativo) July 22, 2019
"This is the first time in recent history that an explicit prohibition is issued," wika ni Kabataan Rep. Raoul Manuel sa isang tweet ngayong hapon.
"Bawal ang protesta, bawal din ang mensahe sa damit kasi takot na takot sa art? Martial Law yaaarn?"
As per instructions for SONA, "Wearing of clothes with political messages shall not be allowed."
— Raoul Manuel #Kabataan (@iamRaoulManuel) July 22, 2022
This is the first time in recent history that an explicit prohibition is issued.
Bawal ang protesta, bawal din ang mensahe sa damit kasi takot na takot sa art? Martial Law yaaarn?
Una nang sinabi ng Philippine National Police na babawalan nila ang anumang protesta sa kahabaan ng Commonwealth Ave. sa araw ng SONA sa dahilang "hindi ito freedom park." Pero depensa ng Bagong Alyansang Makabayan, ito nga ang dahilan kung bakit sila humihingi ng permit to rally.
Una nang sinabi ng Quezon City na ibinasura nila ang aplikasyon ng mga militante para sa isang permit. Sa kabila nito, sumailalim ito sa review at iniulat ng ilang media outfits na papayagan na.
Si Bongbong ay anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na nagpatupad ng Martial Law na siyang sumikil nang husto sa malayang pamamahayag at pagproprotesa mula 1972 hanggang 1983.
Kaugnay nito, 70,000 ang kinulong, 34,000 ang tinorture habang 3,200 naman ang pinatay, ayon sa Amnesty International.
- Latest