Vulnerable sector, ‘high risk’ sa Monkeypox
MANILA, Philippines — Nakapagtala rin ngayon ng pagtaas sa mga kaso ng monkeypox sa mundo at ang pinaka nanganganib na dapuan nito sa bansa ay ang “vulnerable sector”, ayon kay infectious disease expert Dr. Rontgene Solante.
Mula Enero 1 ngayong taon, mayroon nang 7,892 kaso ng monkeypox sa mga “non-endemic” na bansa, base sa datos ng World Health Organization (WHO).
Sinabi ni Solante na ang pinakamabilis na dapuan ng naturang sakit ay ang mga “immunocompromised” na indibidwal, mga bata, buntis, at matatandang populasyon. Mababa naman na dapuan ang “general population”.
Pero nilinaw ni Solante na wala pang naitatalang kaso ng monkeypox virus sa bansa at iginiit kamakailan ng Department of Health (DOH) na handa silang labanan ito sakaling makarating na sa Pilipinas.
Sa mga naitalang kaso sa mundo, 78% nito ay mga lalaki na edad 18-44. Nasa 98% ang natukoy na mga lalaki na nakipagtalik sa kapwa lalaki, habang 41% ang namumuhay kasama ang isang taong may HIV.
Ang hamon umano ngayon sa mga bansa na “non-endemic” ang virus ay kung paano matutukoy na naririto na ito.
Maaaring makumpirma ang isang kaso sa pamamagitan ng RT-PCR testing, habang sa isang bansa ay antigen test ang ginagamit.
- Latest