‘Bato’: ICC probe sa drug war, insulto sa Philippine justice system
MANILA, Philippines — Nanindigan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hindi siya magpapartisipa o sasali sa posibleng pagbubukas ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa drug war ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni Dela Rosa, mas gusto pa niyang humarap sa local courts tungkol sa naturang isyu dahil insulto sa sistema ng hustisya ng Pilipinas.
Bukod pa rito, malinaw na pananakop umano sa soberenya ng bansa ang gagawing imbestigasyon ng ICC kapag pinayagan sila na pumunta dito sa bansa at mag-imbestiga ng anti-illegal campaign ng Duterte Administration.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos na imbitahan ng ICC na may petsang Hulyo 14 ang Pilipinas na magbigay ng obserbasyon sa planong muling pagbubukas ng imbestigasyon hanggang Setyembre 8, 2022.
Sinabi pa ni Dela Rosa na ikalawa siya sa mga akusado dito at bakit naman siya magpapa-under sa hurisdiksyon nito gayung mayroon naman tayong Korte Suprema na maaaring mag-imbestiga kung mayroon silang ginawang kalokohan.
Muli rin iginiit niya na nakikinig lang ang ICC sa mga kritiko ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
- Latest