82% ng Pinoy tiwalang 'kapanipaniwala' 2022 elections — Pulse Asia
MANILA, Philippines — Naniniwala ang karamihan ng mga Pilipinong "tumpak" at "kapani-paniwala" ang naging resulta ng katatapos lang na May 2022 national elections, paglalahad ng Pulse Asia Research sa panibago nilang pag-aaral.
Ito ang lumalabas sa kanilang Ulat ng Bayan survey na ikinasa mula ika-24 hanggang ika-27 ng Hunyo, bagay na inilabas sa media ngayong Lunes.
Narito ang nagsasabing "malaki" ang pagtitiwala nila sa kinalabasan ng resulta ng halalan:
- Buong Pilipinas (82%)
- Metro Manila (84%)
- Luzon (73%)
- Visayas (85%)
- Mindanao (96%)
Batay sa uri, narito naman ang mga nagsasabing malaki ang tiwala nila sa mga resulta:
- ABC (79%)
- D (82%)
- E (81%)
"Trust is most pronounced in Mindanao (96%) and leastmanifest in the rest of Luzon (73%) while essentially the same figures are posted in the different classes," paliwanag ng Pulse Asia.
"In contrast, 4% of Filipino adults express distrust while 14% are ambivalent on the matter."
Positibo rin aniya ang reaksyon ng mga Pilipino sa automated voting system gamit ang vote counting machines (VCMs) ngayong taon, bagay na aabot sa 89%.
Lalo namang mas matataas ang bilang ng mga nagsabing madali ang paggamit ng mga VCMs, bagay na pumalo sa 95%.
Ito'y kahit na umabot sa halos 1,900 vote counting machines ang sinasabing nagkaroon ng problema kahit na wala pang kalahating araw ng botohan noong ika-9 ng Mayo.
Dahil sa mga problema, marami pa ring mga nakapila sa mga polling precincts kahit 11 p.m. na — ito'y kahit 7 p.m. ay tapos na dapat ang botohan.
Benepisyo, 'dayaan' sa automated elections
Mahigit tatlong kapat (3/4) ng adult population naman ng Pilipinas, o 72%, ang nagsabing primaryang nakatulong ang mas mabilis na transmission ng mga resulta ang pangunahing magandang naidulot ng automated polls ngayong taon.
Para naman sa 15%, sinasabi nilang ang pagpapadali ng proseso ang primary benefit habang 11% naman ang nagsabing naging mas credible ang halalan dulot nito. Sa kabila niyan, 1% ang nagsabing wala itong naging benepisyo sa kabuuan.
"Preference for having automated elections in the future is expressed by 89% of Filipino adults," patuloy pa ng research firm.
"Only 4% of adults have a contrary opinion on the matter while 7% cannot say if they would or would not like to see automated voting continued in future Philippine elections."
Ang survey, na ginamitan ng face-to-face interviews, ay isinagawa sa 1,200 katao na edad 18-anyos pataas. Meron itong ± 2.8% error margin sa
95% confidence level.
Una nang kinundena ng mga progresibong grupo ang 2022 elections bilang isa sa "pinakamarumi," dahil aniya sa malaking iregularidad, pagkasira ng mga makina at pandarayang ginamit ng ilang kampo gaya na lang ng pagpapakalat ng disinformation at historical denialism.
Sa kabila nito, iginigiit ng Commission on Elections na ito ang "best" elections sa kasaysayan, lalo na't transparent daw ito at nagbunsod ng "pinakakaonting" problema.
Matatandaang nananalo bilang pangulo si Ferdinand Marcos Jr. sa naturang eleksyon, habang nakuha naman ng kanyang bise na si Sara Duterte ang ikalawang pinakamataas na pwesto sa gobyerno. — may mga ulat mula kay Xave Gregorio
- Latest