Bagyong 'Domeng' tumindi, ganap nang tropical storm

Satellite image ng Tropical Depression Domeng mula sa kalawakan
RAMMB

MANILA, Philippines — Lalo pang lumakas ang bagyong "Domeng" ngayong itinaas na ito ng patungo sa tropical storm category ngunit walang direktang epekto sa kalupaan, ayon sa state weather bureau.

Sa 11 a.m. update ng PAGASA, sinabing huling namataan ang sama ng panahon 940 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.

"As of this morning, ito ay tuluyan nang lumakas at naging ganap nang isang tropical storm with an international name 'Aere,'" ani PAGASA senior forecaster Raymond Ordinario, Huwebes.

"So nakikita natin na papataas pa rin o pa-norte pa rin ang galaw nitong si Domeng at hindi natin inaasahan na lalapit na ito sa kalupaan."

  • Lakas ng hangin: aabot ng 65 kilometro/oras malapit sa sentro
  • Bugso ng hangin: aabot sa 80 kilometro/ oras
  • Pagkilos: gumagalaw pahilaga
  • Bilis: 15 kilometro/oras

Bukas ng gabi, inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyo bandang 900 kilometero hilagangsilangan ng Extreme Northern Luzon.

Tinutumbok nito ang direksyong papuntang Southern Japan o Ryukyu Islands, at dahil sa proximity nito, wala itong nakikitang direktang epekto sa Pilipinas. Wala pa ring tropical cyclone wind signal na nakataas dahil kay Domeng.

Binabantayan pa rin naman ng meteorologists ang Severe Tropical Storm Chaba (dating "Caloy) na huling namataan 715 kilometro kanluran ng Sinait, Ilocos Sur. Bagama't lumalayo ang naturang bagyo sa Pilipinas, nahahatak nito ang kaulapan ng Hanging Habagat dahilan para lumiit ang tiyansa ng mga ulan.

Pinalalakas naman nina TS Domeng at STS Chaba ang Hanging Habagat, na siyang magdadala ng "gusty conditions" hanggang "strong breeze" at "near gale strength" na mga hangin sa Extreme Northern Luzon at hilaga't kanlurang bahagi ng Luzon at kanlurang parte ng Visayas.

Sa susunod na 24 oras, inaasahan ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Kalayaan Islands at katamtaman na may minsanang malalakas na pagbuhos sa Zambales, Bataan, Occidental Mindoro at nalalabing bahagi ng Palawan. — James Relativo at may mga ulat mula kay Philstar.com intern John Vincent Pagaduan

Show comments