Higit 600K trike drivers, may ayuda
MANILA, Philippines — Nakatakdang tumanggap ng fuel cash subsidy sa ilalim ng “Pantawid Pasada Program for Tricycle Drivers” ang 617,806 qualified tricycle drivers sa buong bansa na ang layunin ay matulungan ang mga ito na makaagapay sa patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo at nananatili pa ring pandemya sa bansa.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang naturang fuel subsidy ay ipapamahagi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pamamagitan ng e-wallet accounts ng mga benepisyaryo, mga sangay ng Land Bank of the Philippines, o di kaya ay sa mga off-site payout ng mga local government units (LGUs).
“Inaasahan namin na sa pamamagitan ng fuel subsidy na ito, maiibsan kahit paano ang paghihirap ng mga tricycle drivers dulot ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo at paghina ng biyahe dahil sa COVID-19 pandemic. Ito ang paraan ng pamahalaan para ipamalas ang kanyang pagmamalasakit sa ating mga tricycle drivers,” ani Año.
Sa kabuuang bilang ng mga tricycle drivers-beneficiaries, 67,536 ang mula sa Region 1; 31,638 sa Region 2; 83,621 (Region 3); 162,500 (Calabarzon); 30,340 (MIMAROPA); 35,339 (Region 5); 59,280 (Region 6); 11,685 (Region 7); 6,448 (Region 8); 9,869 (Region 9); 8,760 (Region 10); 8,793 (Region 11); 21,685 (Region 12); 6,869 (Caraga); 68,165 (NCR); 5,040 (CAR); at 238 (BARMM).
Ang subsidiya ay ipapamahagi sa tatlong batches. Ang unang batch ay yaong trike drivers na nakapagbigay ng e-wallet account; 2nd batch ang mga mag-a-avail ng over-the-counter (OTC) transactions sa sangay ng Landbank na malapit sa kanila; at ikatlong batch ay mga mag-a-avail sa on-site payout ng mga LGUs.
Ani Año, may 766,590 trike drivers ang nagsumite ng kanilang pangalan upang maisama sa master list ngunit 148,784 ang nadiskuwalipika matapos ang validation at verification kabilang ang mga lehitimong namamasada na may prangkisa at hindi colorum, may lisensya, at nakapag-submit ng mga requirements sa deadline na ibinigay ng pamahalaan.
- Latest