De Lima nagpapagaling matapos 'major surgery,' nakalabas na ng ospital
MANILA, Philippines — Kasalukuyang nagpapagaling si outgoing Sen. Leila de Lima matapos sumailalim sa isang maselang operasyon na nagtanggal sa parte ng kanyang uterus dahil sa isyung pangkalusugan.
Matatandaang inaprubahan kamakailan ang hiling na "medical furlough" ni De Lima sa Manila Doctors Hospital matapos payuhan ng mga doktor na magpa-"vaginal hysterectomy with anterior and posterior colporrhaphy" o vaginal wall repair sa lalong madaling panahon.
"Discharged from the hospital yesterday. Still recovering from a major surgery. Still experiencing some pains but I feel generally fine," ani De Lima, Lunes.
"Maraming salamat po sa inyong mga dasal at malasakit. Thank you, dear Lord."
Discharged from the hospital yesterday. Still recovering from a major surgery. Still experiencing some pains but I feel generally fine.
— Leila de Lima (@SenLeiladeLima) June 27, 2022
Maraming salamat po sa inyong mga dasal at malasakit.
Thank you, dear Lord. pic.twitter.com/h0tTfgmNC0
Ika-18 ng Hunyo nang ikasa ang surgery ng opposition senator, bagay na isinagawa habang siya'y patuloy na nakapiit dahil sa dalawang drug charges. Una na siyang inabswelto sa isang kaso kaugnay nito.
Hindi ito ang unang beses na mag-medical leave si De Lima dahil sa mga nauna nang problema sa kalusugan.
Taong 2018 nang bigyan siya ng medical furlough matapos makita ang "impression" ng isang liver mass, dahilan para irekomenda sa kanya ang computed tomography o CT scan.
Abril 2021 naman nang dalhin siya sa ospital matapos ang pinaghihinalaang "mild stroke." Kaugnay nito, binigyan din siya noon ng three-day medical furlough.
Matatandaang sinabi ni incoming Justice Secretary Boying Remulla na bukas siyang i-review ang kanyang mga kaso matapos bumaliktad ang ilang tumestigo laban kay De Lima.
Sa kabila nito, iginigiit ng kasaluyang pamunuan ng Department of Justice na hindi pa nila babawiin ang mga natitirang reklamo laban sa legislator.
- Latest