'Malawakang kasuhan?': Kampo ni Robredo plano ihabla 'fake news' peddlers matapos termino
MANILA, Philippines — Kinukunsidera na ngayon ng kampo ni outgoing Vice President Leni Robredo ang pagkakasa ng legal action laban sa mga nagkakalat ng disformation sa social media sa pagtatapos ng kanyang termino sa ika-30 ng Hunyo.
Una nang lumabas sa datos ng Tsek.ph — isang academe-media fact-checking collaboration — na karamihan sa mga naglipanang disinformation online bago ang eleksyon ay panay patungkol kay VP Leni.
"Sa darating na mga linggo at buwan, tayo ay maglulunsad ng isang malawakang pagkilos at inisyatiba para tugunan at kalabanin itong paninira at paglaganap nitong fake news at kasinungalingan sa social media," ani Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, nitong Linggo sa palatuntunan sa radyo ng bise.
"Pinag-uusapan, kasama ng ilang grupo ng mga abogado, ang pagsasampa ng kaso laban doon sa mga tao na pinipilit na ipagpatuloy ito at posible ring laban doon sa mga mismong plataporma na nagho-host ng mga ganitong klaseng materyales gaya ng mga social media platforms na meron tayo sa kasalukuyan."
Paliwanag ni Gutierrez, hindi lang nila ito ginagawa para kay Robredo ngunit pati na rin sa iba na nagiging biktima ng panloloko.
Mayo lang nang maghain si Gutierrez ng cyberlibel complaint laban sa anim na staff ng People's Journal at People's Journal Tonight kaugnay ng artikulong nagsasabihing pinapayuhan sila ni Robredo ng founder ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison.
"Para din ito sa kapakanan at kabutihan ng ating buong bansa at ng ating buong lipunan. Kailangan mapalabas natin ‘yung totoo. Kailangan ang ating usapan ay nakabatay sa katotohanan at datos, at hindi sa fake news," wika pa ng tagapagsalita.
Abril lang nang magpatulong sa National Bureau of Investigation ang anak ni VP Leni na si Aika Robredo para paimbestigahan at matunton ang mga nagpapakalat ng mga online links sa mga pekeng sex videos niya online.
Una nang sinabi ng ikalawang pangulo na karibal niya sa 2022 elections na si president-elect Ferdinand Marcos Jr. ang nakinabang sa disinformation habang siya ang lagi raw biktima nito.
Oktubre 2021 lang nang itanggi ni Marcos na meron siyang "troll farms," bagay na kadalasang ginagamit sa mga opensiba laban sa mga personahe online.
- Latest