Expansion ng NAS sa bawat rehiyon, isusulong ni Bong Go
MANILA, Philippines — Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na nais niyang palawakin ang sistema ng National Academy of Sports kapag nagtagumpay ito sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga kampus sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa.
“Kung maganda ang magiging resulta, isa po sa isusulong ko bilang committee chair on sports sa Senado ay maging regionalized po itong eskwelahang ito,” sabi ni Go matapos pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga nahihirapang residente sa Tarlac City.
“Dadagdagan po ang rehiyon, bibigyan po ng mga kaganapan doon, at makapag-training po ‘yung mga potential athletes natin at the same time na nag-aaral po. Marami po iyan sa buong Pilipinas,” dagdag ng senador.
Si Go ang nag-akda at nag-co-sponsor ng Republic Act No. 11470 na nagtatag ng National Academy of Sports sa New Clark City, Capas, Tarlac.
Isang pasilidad sa pag-aaral na pinamamahalaan ng gobyerno, ang NAS ay nag-aalok ng programa sa sekondaryang edukasyon na may pinagsamang espesyal na kurikulum sa palakasan. Binuo ito sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education at Philippine Sports Commission.
Naging instrumento si Go sa pagsasama ng pondo ng konstruksyon at operasyon ng National Academy of Sports sa 2021 budget.
Sinabi ni Go na patuloy siyang magtatrabaho at susuportahan ang grassroots sports development sa Pilipinas.
Makakatulong aniya ito sa pagpapatuloy ng legacy ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaban sa iligal na droga at kriminalidad. Ang pakikilahok sa palakasan, ayon kay Go, ay maglilihis ng atensyon ng mga kabataang Pilipino sa iligal na droga at iba pang bisyo.
- Latest