CHR iimbestigahan 'physical, mental abuse' ng PNP vs Tinang 93
MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Commission on Human Rights ang pag-imbestiga sa diumano'y arbitrary arrest ng pulisiya sa mahigit 90 magsasaka, aktibista, estudyante at media matapos ang "bungkalan" sa Concepcion, Tarlac — bagay na dumulo raw sa pang-aabuso at 'di makataong pagtrato.
Huwebes nang hulihin ang ang nabanggit para sa "malicious mischief" at "obstruction of justice" sa isang sakahang sinubukan nilang hawiin para mataniman. Pero depensa ng mga magsasaka, benepisyaryo sila ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) tile na inilabas noong 1995 para sa 200-ektaryang lupa. Pansamantalang nakalaya ang ilan sa kanila sa pamamagitan ng piyansa.
"Since their detention, there were also allegations of physical and mental abuse, inhumane conditions at the detention facility, and red tagging experienced by the group," ani CHR executive director Jacqueline Ann de Guia, Martes.
"CHR Region III has started gathering information from the arrested farmers and their supporters; the farmers who filed a complaint; and the local Philippine National Police since Friday, 10 June 2022."
Ang CLOA na binabanggit ng mga magsasaka ay ebidensya na sila ang nagmamay-ari ng isang lupain sa bisa ng Comprehensive Agrarian Reform Law of Republic Act 6657.
Sasama rin daw sa independent investigation efforts ang Investigation Office ng CHR Central Office dahil sa pagka-"complex" ng isyu.
Una nang sinabi ng local police na sinira ng mga magsasaka ang tubuhan, na pinatatakbo ng Agriculture Cooperative, gamit ang isang rotovator. Nang subukin daw ng Police Regional Office III na i-"pacify" ang mga nabanggit ay nagkagulo na at "pinigilan" ang mga opisyal na gampan ang kanilang trabaho kahit nagkahulihan.
Pero bilang holders ng CLOA, sinabi ng mga magsasaka na sila talaga ang may kapagyarihan sa naturang lupain at naghihintay na lang ng "official installation" dahil hindi pa rin maipatupad-tupad ang desisyon.
Hunyo 2022 lang nang sabihin ni John Laña, assistant secretary ng Department of Agrarian Reform, sa isang dayalogo na ii-install na ang mga magsasaka ng Tinang.
"With the disputed nature of the said land, we urge the Department of Agrarian Reform (DAR) to look into the matter to finally ascertain how to move forward given the pending land conflict. CHR will also be reaching out to DAR," patuloy ni De Guia.
"CHR commits to look into every aspect of the allegations of human rights violations linked to the said incident."
Matatandaang nagkaroon ng delay sa pagpapalaya sa ilang na-detain habang ang ilan ay pinalabas nang walang charges. Maliban sa ilang kawani ng media na magco-cover lang sana, ilan sa mga naaresto ay ang kilalang makata't aktibistang si Angelo Suarez at anak ng sikat na wedding filmaker na si Jason Magbanua.
Kinundena na ng mga peasant, human rights advocates atbp. ang nangyari sa Tarlac, dahilan na sinundan din ng paglalabas ng statement ni Bise Presidente Leni Robredo.
- Latest