Sunod na DOJ chief itutulak 'amnesty' para palayain mga aktibistang ikinulong
MANILA, Philippines — Irerekomenda ni Cavite Rep. Jesus Crispin "Boying" Remulla, incoming justice secretary, ang pagpapalaya sa mga progresibong political prisoners sa pagpasok ng administrasyon ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. — pero malamig siya sa ideyang gawing iligal ang red-tagging.
Ito ang sinabi ng susunod na mangunguna sa Department of Justice (DOJ) sa panayam ng Rappler na inilabas, Miyerkules.
"I would like to recommend an amnesty of sorts that would put the Left and the Right back to the groove, into the normal life, so they could resume their lives as normal Filipinos," ani Remulla kanina.
"Kapag na-corner mo 'yan o kaya hindi na sila makabalik, lalong lumalala ang problema. Bigyan mo sila ng isang pagkakataon na sabay na bumalik, baka mabawasan ang problema."
"It's part of the unity statement of the president [Marcos Jr.]. Left and Right. Everybody who's now in court, being charged or hiding. Lahat 'yan. Pwedeng i-cover 'yan lahat ng amnesty."
Maraming aktibistang humaharap ngayon sa sari-saring kaso kaugnay ng kanilang pulitikal na paniniwala. Ang marami sa kanila iniuugnay sa armadong New People's Army (NPA) kahit na bahagi naman ng mga ligal na organisasyon.
Matatandaang dati na itong ginawa ni dating Pangulong Corazon Aquino noong Dekada '80 para sa mga rebeldeng NPA atbp. na nais bumalik sa ligal na pamumuhay matapos bumagsak ang diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Napalaya rin noon si CPP-NPA founder Jose Maria Sison: "I think it's about time we did it again," ani Remulla.
Pag-aaralan pa naman daw nila kung anu-ano ang mga magiging kondisyon sa pagkakataong ito para mapalaya ang mga political prisoners. Pero pagtitiyak ni Remulla, hindi pipigilan ang mga political prisoners na maging aktibista at magprotesta pagkalabas.
"Hindi naman eh. Amnesty naman is for people, classified lahat 'yan eh. Hindi naman criminal ang mag-dissent eh... So what's the point?" banggit pa niya.
"The people who are really in the court charged, or are hiding from the law, and people who are also being charged and hiding from the law... gagawan natin ng paraan para makauwi na sila sa mga bahay nila."
'Batas vs red-tagging? Aralin muna natin'
Sa kabila ng isusulong niyang amnestiya, hindi pa naman madiretso ni Remulla kung susuportahan niya o hindi ang mga panukalang batas na layong gawing iligal ang panre-redtag lalo na galing sa mga opisyal ng gobyerno.
Sa mga panukala ngayong 18th Congress sa Kamara at Senado, posibleng makulong ng hanggang 20 taon ang mga public officials na manre-redtag, lalo na kung mamamatay ang mga biktima pagkatapos.
"I don't know because... I have to study that. I cannot commit to that, nor will I oppose it immediately. I will have to study the provisions of that law, and I wouldn't call it a red-tagging law," sambit ng paparating na DOJ secretary.
"Maybe I will follow through with 'truth tagging.' Unmasking. Hindi ko alam kung anong itatawag natin. Pero red-tagging kasi favors one party. It goes against Philippine Government."
"Hindi ako magkakaroon ng bias for or against anybody. But it's my job to defend government. it's my job to defend our people. It's my commitment to defend people's rights."
Matatandaang ni-redtag ni Boying ang mga supporter ni noo'y presidential candidate at Bise Presidente Leni Robredo matapos umabot sa 47,000 ang mga dumalo sa kanilang rally sa Cavite.
Sinabi noon ni Remulla na "bayad" ang mga nabanggit at "sinanay" ng National Democratic Front of the Philippines, na siyang kaalyado ng CPP-NPA. Itinanggi ito ng kampo nina Robredo.
- Latest