DOH: 2 milyong COVID-19 vaccines expired na sa Hunyo kung 'di maituturok
MANILA, Philippines — Mahigit 2 milyong libreng bakuna laban sa COVID-19 ang mapapanis sa ika-30 ng Hunyo kung hindi maituturok sa mga susunod na araw, ayon sa pinakahuling taya ng Department of Health (DOH).
"[K]ung hindi ma-jab, about almost 2 million [ang mag-e-expire] kung hindi magamit by end of June," wika ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, Biyernes, sa Laging Handa briefing na inere ng state media.
"On May 4, 2022, the DOH submitted a demand forecast of 34 million doses of COVID-19 vaccines. Ito 'yung parang pampalit ng nag-expire na at tska 'yung pwede pang ma-expire-an, which includes brands such as Sinovac, AstraZeneca and Pfizer."
Ito ang sabi ni Cabotaje ilang araw lang matapos ianunsyo ng DOH na pwede nang iturok ang ikalawang COVID-19 booster shots para sa mga 60-anyos pataas at mga manggagawang pangkalusugan.
Dati kasi ay mga immunocompromised pa lang ang pinahihintulutang turukan ng ikalawang booster simula pa noong Abril. Ang nasabing second booster shots ay para pa lamang sa mga edad 18 pataas.
"From the communication we recieved from COVAX, replacement for vaccine includes vaccines from all sources," dagdag pa ng opisyal ng DOH.
"So hindi lang po 'yung [donasyon] galing sa kanila, but they will also consider some of the vaccines that have been procured by the national government, even our private sector and local government."
Papalo na sa 151.42 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok sa Pilipinas simula nang umarangkada ito noong ika-1 ng Marso, 2021.
Sa bilang na 'yan, 70.75 milyon na ang nakakakumpleto ng primary vaccine doses habang 14.02 milyong boosters na ang natuturok sa bansa.
Bagama't mas mababa na nang husto ang tinatamaan ng COVID-19 sa ngayon kumpara noong height ng lockdowns, ngayong Mayo lang nang makumpirmang nakapasok na ang Omicron BA.4 subvariant ng COVID-19, bagay na mas mabilis kumalat. — James Relativo
- Latest