Canvassing ng Pres., VP tatapusin hanggang Huwebes ng umaga
MANILA, Philippines — Walang tulugan o 24/7 ang isasagawang canvassing ng Kongreso sa boto para sa Presidente at Bise Presidente na target tapusin sa Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes ng umaga.
“The National Board of Canvassers-Congress is determined to finish on Wednesday night or Thursday morning, at the latest, by having the canvassing run for 24 hours everyday, without suspensions”, pahayag ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza.
Ayon kay Mendoza, tinitiyak nila sa publiko ang transparency para sa buong canvassing sa pamamagitan ng live streaming at presensya ng media.
Sinabi ni Mendoza na gagawin ng mga mambabatas ng Kongreso ang mandato nito para tapusin ang canvassing at maideklara ang nagwaging Presidente at Bise Presidente sa May 9, 2022 national polls.
Sa kasalukuyan sa partial at unofficial tally ng Comelec kapwa nangunguna sina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte na kapwa nakakuha ng mahigit sa 31 milyong boto.
Target namang maiproklama ang nagwaging Presidente at Bise Presidente hanggang Biyernes, May 27.
- Latest