Pondo sa Bgy. Elections, buo pa - Comelec
MANILA, Philippines — Pinasinungalingan kahapon ni Commission on Elections Commissioner George Garcia ang ulat na naubos na umano ang pondo para sa pagsasagawa ng Barangay Elections sa Disyembre makaraan ang naganap na National at Local Elections nitong Mayo 9.
Sa press briefing kahapon, iginiit ni Garcia na “intact” o buo pa ang pondo na maaari namang berepikahin ng sinuman sa Department of Budget and Management (DBM).
“Hindi totoo ‘yun. DBM can always verify with them the budget for 2022 Barangay elections is still intact,” giit ni Garcia.
Sa kabila na hindi pa natatapos ang proklamasyon ng lahat ng kandidatong nagwagi nitong nakaraang halalan, sinabi ni Garcia na nag-uumpisa na rin sila ngayong magplano sa pagbuo ng proseso para sa gaganaping halalan sa barangay na isasabay rin ang sa Sangguniang Kabataan (SK).
Matatandaan na nakatakda sanang isagawa ang Barangay at SK Elections nitong Mayo 2020 ngunit nasuspinde. Huling ginaganap ang mga eleksyong ito noong 2018 pa.
Samantala, nanawagan si Garcia lalo na sa mga kabataaan na magparehistro na para sa naturang halalan. Bubuksan na umano ang Comelec registration sa drating na Hunyo o Hulyo para sa mga bagong botante.
- Latest