Bureau of Quarantine nakaalerto vs ‘Monkeypox’
MANILA, Philippines — Magsasagawa ang Bureau of Quarantine ng ‘screening’ sa mga dumarating na biyahero sa bansa upang mabantayan na hindi makapasok ang bagong tuklas na ‘monkeypox virus’ na unti-unting kumakalat na sa iba’t ibang bansa sa mundo, ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
Partikular na tututukan ang mga biyahero na nagmula sa mga bansa na may napaulat ng kaso ng ‘monkeypox’. Inatasan na umano niya ang BoQ na palakasin ang kanilang pagbabantay sa mga paliparan sa ngayon.
Kabilang sa babantayan ng BoQ ay ang mga pasahero na may sintomas na pananakit ng ulo, katawan at namamagang “lymph nodes” na makikita sa iba’t ibang parte ng katawan.
Ang mga pasaherong makikitaan ng naturang sintomas ay kailangan na sumailalim sa ‘quarantine’ sa loob ng isa hanggang dalawang linggo, ang period kung kailan lumalabas ang mga sintomas makaraang malantad ang pasyente sa virus.
Kahit na hindi pa idinideklara ng World Health Organization (WHO) ang monkeypox na banta sa pampublikong kalusugan, kailangan na mag-umpisang maging maingat na maaga pa lamang ang bansa lalo na at hindi pa tapos ang pandemya sa COVID-19.
Base sa website ng WHO, ang monkeypox ay isang sakit na makikita sa mga ‘tropical rainforest’ na lugar sa Central at West Africa pero paminsan-minsan ay sumusulpot rin sa ibang rehiyon sa mundo.
Iniimbestigahan na ngayon ang mga kaso nito sa United States, Canada, Australia, France, Sweden, Italy, United Kingdom at Northern Ireland.
- Latest