7 kapitan sa Lapu-Lapu, inaresto sa paninirang-puri
MANILA, Philippines — Dahil sa umano’y paninirang puri, pitong barangay captain ang pinaaresto ni Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan nitong Lunes.
Nakakulong sa pasilidad ng Criminal Intelligence and Detection Group-Central Visayas (CIDG-7) sina Chairmen Eduardo Cuizon (Barangay Bankal), Eleonor Fontanoza (Gun-ob), Regina Ibanez (Looc), Triponia Abayan (Tungasan), Joselito Tibon (Suba- Basbas), Reynaldo Tampus (Canjulao), at Rosalino Abing (Maribago).
Si Cuizon ay ex-officio member din ng Lapu-Lapu City Council, bilang presidente ng Association of Barangay Council (ABC).
Ang pito ay dinakip sa kani-kanilang mga lugar sa bisa ng arrest warrants na inisyu ni RTC Branch 53 Judge Anna Marie Militante, kasama ang mga tauhan sa CIDG-7 at Lapu-Lapu City Police Station 3.
Tig-P36,000 ang inirekomendang piyansa sa mga akusado para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Nag-ugat ang pag-aresto sa pitong brgy. chairman sa kasong grave oral defamation o Cyber Crime Act of 2012, na inihain ni Chan laban sa kanila noong Marso 2022.
Nauna nang nagsampa ng reklamo ang mga punong barangay ng malversation of public funds at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kay Chan, mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC), at ang nanalong bidder dahil sa umano’y kuwestiyonableng pagbili ng COVID-related items na mahigit P47 milyon.
Sinabi ni Atty. James Allan Sayson, tagapangulo ng BAC, na isinama nila ang mga probisyon ng cyber libel sa kaso matapos mai-post sa social media ang alegasyon laban sa kanila.
- Latest