Black Friday protest vs 'pinakamaruming' 2022 election ikinasa sa Pasay
MANILA, Philippines — Libu-libong raliyista ang sumugod sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex sa Pasay City ngayong Biyernes bilang protesta sa aniya'y malaking "lokohan" at "iregularidad" sa nagdaang 2022 election — bagay na pinakamalala raw sa kasaysayan ng automated polls.
Kasalukuyang nangunguna sa partial and unofficial tally ng Commission on Elections (Comelec) si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa bilang na 31.1 milyon. Sa kabila nito, nabahiran na raw ito ng duda dahil sa mga insidente nitong halalan sabi ng mga kritiko.
"Batay po sa aming datos, ito na po ang pinakamalala sa usapin ng bilang ng insidente ng pandaraya. Ito na po ang pinakamalala sa kasaysayan ng automated system ng Pilipinas," wika ni Danilo Arao, convenor ng election watchdog na Kontra Daya kanina.
"1,800 [vote counting machines] ang nag-breakdown... Ang ibig sabihin nito, 1.1 milyon ang naapektuhang botante. Pero higit pa roon ang pandaraya... [meron din sa disinformation sa] porma ng historical denialism at pati na rin po ang red-tagging."
Sinabi ito ni Arao matapos lumabas ang isyu ng palyadong VCMs, pagpupunit ng shaded na balota, election-related violence at usap-usapang 68:32 ratio lagi sa pagitan ng boto nina presidential candidates Marcos at Bise Presidente Leni Robredo.
Taong 2010 pa lang ay pinaaalis na ng Kontra Daya at National Citizens' Movement for Free Elections (NAMFREL) ang Smartmatic sa Pilipinas dahil diumano sa pagiging hindi transparent sa proseso.
Papunta sana sa national canvassing ng Comelec ang mga militante't kritiko sa Philippine International Convention Center ngunit agad na hinarang at pinalibudan ng mga pulis. Sa panayam ng Philstar.com, sinabi ng secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan na si Renato Reyes Jr. na posibleng umabot sa 4,000 ang nagprotesta.
Protesters hold an ecumenical prayer as cops block their entry. @PhilstarNews pic.twitter.com/QzGOQ4oLc8
— Gaea Cabico (@gaeacabico) May 13, 2022
Una nang sinabi ni Comelec commissioner George Garcia na "tagumpay" ang pagsisimula ng eleksyon sa kabila ng ilang problema noong Lunes. Minaliit din nila ang bilang ng mga aberya sa VCMs habang idinidiing "walang na-disenfranchise" na botante.
Kinontra naman ito ni Arao at sinabiing nakakuha sila ng mga ulat ng nakapilang botante 6 a.m. pa lang, ngunit 2 a.m. na nang madaling araw nakaboto dahil sa replacement VCM na ipinalit sa nasira sa presinto.
"Ang qualitative reality po ay ganito: Sa panahon na nagbibilangan na matapos ang 7 p.m., pumapasok na ang resulta ng halalan... nagbibilangan na ng boto, pero siya [siya] naghihintay pa rin. Gabi na. Hindi na nananghalian, hindi na naghapunan, gutom na gutom na, uhaw na uhaw na. Kasalanan niya ba 'yon?" sambit ni Arao.
"Kaya kapag sinasabi nila na successful, na matagumpay ang halalan, at napaka-minor lang ng mga problema, wala silang alam sa realidad. O baka mas maganda pa [sabihin], wala silang alam period."
Comelec: We're proud to say walang dayaan
Pinabulaanan naman ni Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco ang paratang ng mga nagproprotesta, habang idinidiing makatotohanan ito at hindi dinadaya sa ngayon.
"Kami po mula noong simula pa lang ay ipinakita na namin: Lahat ng proceedings ay transparent, just to show to the people that what we are doing is in accordance of law and rules," ani Laudiangco sa isang media briefing.
"We could proudly state walang dayaang naganap."
Nagsasalita na rin daw ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) bilang watchdog nang sabihin may 100% match sa pagitan ng electronic election returns (ERs) at unang batch ng physical ERs na kanilang na-encode.
Patunay na rin daw ang pagsasalita ng mga banyaga gaya na lang ng Estados Unidos nang sabihing sumunod sa "international standards" ang May 9 elections.
"Tandaan niyo po, hindi magsasalita ang international community kung hindi sila may basehan sa salita po nila," patuloy ni Laudiangco.
"Some of them have been staunch critics of Comelec before. But as early as now, fourth day of canvass, they have already stated and accounted for the credibility of the elections."
'Gera vs rehimeng Marcos-Duterte'
Hindi naman daw tatanggapin ng militanteng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang kasalukuyang lumalabas na resulta ng halalan, lalo na't alam daw nilang magbubunsod ang naturang "dayaan" ng pagkakaluklok kay Marcos at vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
"Ang Comelec ay isang instrumento ng pandaraya para pwersahang iluklok sa poder ng kapangyarihan ang anak ng diktador, ang magnanakaw, mamamatay-tao," sambit ni Jerome Adonis, secretary general ng KMU.
"Marcos-Duterte tandaan mo ito: hindi lamang pera ng bayan ang ninakaw mo. Ninakaw mo ang kinabukasan naming mga manggagawa. Ninakaw mo ang kinabukasan ng mamamayang Pilipino."
Ani Adonis, ang posibleng pagkakaluklok ng UniTeam tandem ay magreresulta lamang ng grabeng paghihirap at paglabag sa karapatang pantao, gaya na lamang ng ginawa ng diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sinabi ito ni Adonis isang araw matapos banggitin ni US President Joe Biden na handa siyang makipagtulungan kay Bongbong para tiyaking nasusunod ang human rights.
"Pwes Marcos at Duterte, dahil inagawan mo kami ng kinabukasan, mula sa araw na ito idinedeklara namin ang gera laban sa gobyerno mo!" sabi pa ng KMU leader.
"At ang sigurado, matutulad ka sa iyong ama. Babagsak ka, pupulutin ka sa [kangkungan] at sisiguraduhin namin sa araw na 'yon, mapupunta ka sa bilangguan."
Kilala ang nakatatandang Marcos sa pagdedeklara ng Martial Law noong 1972, na siyang nagbunsod ng 70,000 sa likod ng rehas, 34,000 tinorture at 3,200 ang pinatay, ayon sa Amnesty International. Maliban pa 'yan sa ill-gotten wealth na kinamal ng kanilang pamilya mula sa kaban ng bayan. — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico
- Latest