Chiz nagpasalamat sa INC: Inendorso rin ng 1BANGSA
MANILA, Philippines — Taos-pusong pasasalamat si Sorsogon Gov. at dating senador Chiz Escudero sa Tagapamahalang Pangkalahatan Ka Eduardo V. Manalo at sa buong Kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC), dahil sa pag-endorso sa kanyang kandidatura sa pagkasenador.
“Ang inyong suporta sa aking kandidatura at sa inyong pagtitiwala sa aking kakayahan, karanasan, at karunungan bilang isang lingkod-bayan ay nagsisilbing inspirasyon sa akin upang pagbutihin pa ang aking tungkulin kung sakaling ako’y muling mahalal sa Senado”, pahayag pa ni Chiz.
Binanggit pa nito na palagi siyang kaisa ng INC sa mabubuting hangarin kabilang ang pag-ibsan sa kahirapang dinaranas ng ating mga kababayan sa panahong ito ng pandemya.
Samantala, suportado rin si Chiz ng One Bangsamoro Movement (1BANGSA), isang alyansa ng mga multisektoral na organisasyon sa Mindanao dahil sa kanyang legislative agenda na naglalayong iangat ang buhay ng mga mamamayang Pilipino.
Sa isang pahayag na naka-post noong Lunes sa opisyal na Facebook page nito sa okasyon ng Eid’ul Fitr, naglabas ang 1BANGSA ng listahan ng 12 senatorial candidates, kabilang si Escudero, na susuportahan nito sa halalan sa Mayo 9.
Inilarawan ng may isang milyong miyembrong 1BANGSA si Escudero, at pati rin ang dalawa pang dating senador na nagbabalik-Senado rin, bilang madaling katrabaho pagdating sa pagsusulong ng mga batas para sa kapakanan ng mga Pilipinong Muslim.
Ayon kay 1BANGSA National President Alan Amerbalangi, ang kanilang kilusan, na kinabibilangan ng mga kabataan at mag-aaral, kababaihan, Muslim scholar, Arabic teacher, sultan, at negosyanteng Muslim, ay nagkaisa sa pagbuo ng One Bangsamoro Solidarity Alliance upang masolido nila ang lahat ng kanilang boto para sa mga kandidato na nagpapamalas ng pagmamahal at malasakit para sa minoridad na Pilipinong Muslim at sa proseso ng pagkamit ng kapayapaan.
- Latest