Landslide win ni BBM, tiniyak ng mga gobernador ng Laguna, Cavite
MANILA, Philippines — Siyam na araw bago ang halalan sa May 9, tiniyak ng mga gobernador ng vote rich na lalawigan ng Laguna, Cavite at iba pang probinsiya ang “landslide win” ni UniTeam presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang pulong sa BBM Headquarters sa Mandaluyong ay siniguro nina Gob. Jonvic Remulla ng Cavite at Ramil Hernandez ng Laguna, kasama ng iba pang mga gobernador na titiyakin nila ang kanyang panalo sa kanilang mga lalawigan.
“Based on our projections he (Marcos) will get 1.2 million votes sa Cavite. As per our latest survey dated April 24,” ayon kay Remulla.
Sinabi ni Remulla na sa Cavite ay makakakuha lamang ng tinatayang 400,000 boto ang katunggali nitong si Vice President Leni Robredo.
Ayon naman kay Hernandez, makakakuha si Marcos ng 60% sa kanilang mga botante sa probinsya sa darating na halalan.
Sa record ng Commission on Elections (Comelec), nangunguna ang Cebu sa may pinakamaraming botante sa bansa na mayroong 3.288 milyong registered voters.
Ang Cavite, Pangasinan at Laguna ay nasa ikalawa hanggang pang-apat na puwesto habang ang Region 4-A (Calabarzon) ang may pinakamaraming botante naman sa rehiyon sa bansa na mayroong 9.193 milyong botante.
Bukod kay Remulla at Hernandez, dumalo rin sa pulong sina Govs. Melchor Diclas ng Benguet; Dale Corvera, Agusan del Norte; Albert Raymond Garcia, Bataan; Roberto Uy, Zamboanga del Norte; Zaldy Villa, Siquijor; Rhodora Cadiao, Antique; Damian Mercado, Southern Leyte; Roel Degamo, Negros Oriental at Dax Cua ng Quirino.
- Latest