Sabayang grand rally nina BBM-Duterte, Robredo-Pangilinan sa Metro Manila, nagpasiklaban
MANILA, Philippines — Nagpasiklaban ang dalawang kampo ng presidentiables sa magkasabayang grand rally kahapon sa Maynila at Pasay.
Sa Bustillos sa Sampaloc, Maynila nagpakita ng puwersa ang kampo ng UniTeam nina dating senador Bongbong Marcos at Mayor Sara Duterte kung saan maaga pa lamang ay natiis na sa ilalim ng sikat ng araw ang kanilang mga supporters na dumagsa lalo na pagsapit ng gabi na inaliw ng mga showbiz personalities.
Sinimulan ang programa ng musikahan dakong alas-2:30 ng hapon.
Dumating sa venue si BBM alas-5:54 ng hapon habang kasama namang dumating ni Sara Duterte si Congressman Martin Romualdez alas-7:26 ng gabi.
Samantala sa Macapagal Boulevard, Pasay City, isinagawa ang birthday celebration at “Araw Na10’ To” grand rally ni Vice Presidente Leni Robredo at Sen.Kiko Pangilinan na dinagsa rin ng mga tagasuporta.
Nasa humigit-kumulang sa 50 showbiz personalities naman ang nakiisa sa rally, na naging dahilan ng mas masiglang pagtitipon dahil sa street party.
Bago ang rally, nagsagawa rin ng Art Jam ng Bayan sa mismong venue, kung saan nagkaniya-kaniyang gawa ng placards ang mga supporters. Dito ay ipinakita ang ‘Saranggola ni Leni’ na ipininta ni National Artist for Visual Arts Benedicto “BenCab” Cabrera.
Nagsalita rin sa rally ang iba’t-ibang kandidatong kaalyado ng Leni-Kiko tandem.
- Latest