LPG Law, priority ng LPGMA sa susunod na Kongreso
MANILA, Philippines — Matapos maitawid sa Kongreso ang RA 11592 o ang LPG Industry Regulation Act, nais ipagpatuloy ng LPGMA Party-list ang kanilang adhikain na tuluyang mawala na sa merkado ang mga dealer ng peke at sub-standard na LPG.
Ayon kay LPGMA Party-list Rep. Allan Ty na nagsulong ng batas sa Kamara, naging maganda ang epekto ng LPG Law sa industriya, higit sa lahat pati na rin sa mga konsyumer.
“Nabuo ang LPGMA dahil sa adhikain namin na itaas ang kalidad ng LPG sa bansa, lalo na’t kuwarenta porsiyento ng tahanan sa atin ay gumagamit ng LPG,’ ani Ty. “Nang dahil sa LPG Law, nasimulan nating makita ang simula ng katuparan ng adhikain namin na ito.”
Bukod sa pagtulong sa mahigpit na pagpapatupad ng standards na nakasaad sa batas sa pagbenta ng LPG, isinulong din ng LPGMA Party-list kamakailan ang isang programang tutulong magbigay puhunan sa mga maliliit na negosyo na nais pumasok sa LPG industry.
Ayon kay Ty, bahagi ito ng tinatawag niyang “programa ng gobyernong tapat, kung saan aangat lahat.”
“Sakaling palarin tayo na makapasok muli sa Kongreso, ipagpapatuloy natin ang mga magandang nasimulan nating mga programa na tumutulong sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Ty.
- Latest