Robredo handa magbigay ng 'legal assistance' sa mare-redtag na volunteers
MANILA, Philippines (Updated 11:58 a.m.) — Muling kinastigo ni 2022 presidential candidate at Bise Presidente Leni Robredo ang mga nag-uugnay sa kanya at kanyang mga tagasuporta sa armadong rebelyong komunista, dahilan para maitulak ang kanyang kampong ipagtanggol ang mga tagasuporta kung magkagipitan sa otoridad.
"Kaisa ako ng mga volunteers natin na tumitindig para sa katotohanan at pag-asa; na nalalagay sa panganib at nakakaramdam ng pangamba dahil ni-reredtag sila," ani VP Leni sa isang pahayag, Huwebes.
"Nandito ako at ang buong campaign team, lalo na ang ating mga volunteer lawyers, para ipagtanggol kayo sa pangha-harass na maaaring maidulot ng laganap na red-tagging laban sa ating mga volunteers."
Marso lang nang maiulat na inaresto sa Cavite ang ilang kampanyador ng Anakpawis party-list, na bahagi ng Makabayan bloc na nag-endorso kay Robredo. Marami sa mga naaaresto at napapatay na aktibista ay nare-red tag sa kasaysayan.
Ilang beses nang ikinakabit ang pangalan ng opposition bet at kanyang supporters sa Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA). Bukod sa ilang nagpapakalat ng pekeng impormasyon online at text blasts, nariyan din ang kampo ng kalaban niya sa eleksyon na si Sen. Panfilo "Ping" Lacson.
Iniuugnay din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga "dilawan" — na kadalasang tawag sa mga taga-suporta ng partido ni VP Leni na Liberal Party — sa mga komunista para "manggulo sa eleksyon."
Humaharap din ngayon sa ilang administrative complaints sa Office of the Ombudsman si NTF-ELCAC spokesperson at Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy dahil sa social media posts na nagsasabing "supporter" at "mouthpiece" si Robredo ng CPP-NPA, na siyang tinatawag niyang "teroristang grupo."
"Malinaw ang motibasyon ng walang-tigil na pangre-redtag sa akin at sa mga volunteers natin: Ang pigilan ang momentum ng ating People’s Campaign," dagdag pa ng bise presidente, habang idinidiing hindi siya makikipag-alyado sa sinumang gumagamit ng dahas para magsulong ng anumang agenda.
"Tandaan natin, nagsimula ito noong naging sunod-sunod ang pagdagsa ng mga tao sa ating mga People’s rally—na para bang di makapaniwala ang iba na puwedeng magkaisa ang karaniwang Pilipino sa ngalan ng pag-asa."
Bagama't magkahalintulad sa prinsipyo pagdating sa maraming bagay ang Makabayan bloc at ligal na Kaliwa sa CPP-NPA, walang armas ang una at ikalawa.
Robredo supporters hinamon: Magsalita vs red-tagging
Ikinagalak naman ng grupong Amihan National Federation of Peasant Women (Amihan) ang pagtindig ni Robredo laban sa red-tagging at pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa kanya habang itinutulak na mapanagot sa batas ang mga nasa likod nito.
"Kami ay nagagalak na nagpahayag si VP Robredo laban sa red-tagging na karaniwang inilulunsad ng mga kalabang kandidato, mga pasista sa gubyerno at kanilang mga ahente. Nangangahulugan... ito na sila ay apektado sa bumabahang partisipasyon ng mamamayan sa mga grand rallies ni VP," ani Zen Soriano, national chair ng Amihan.
"Red-tagging against activists is dangerous as it usually leads to extrajudicial killings and other grave human rights abuses. Red-tagging the vice president should not be taken lightly."
Hinimok din ng grupo ang lahat ng sektor at indibidwal na nagdadala sa kandidatura ni Robredo na ipahayag ang kanilang pagtutol sa red-tagging na ginagawa ng mha kampo ng kanilang mga kalaban sa eleksyon.
Ilan sa mga tagasuporta ni Robredo ay mga retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, mga institusyong dati nang nag-uugnay sa mga progresibo sa CPP-NPA.
Paliwanag pa ng Amihan, labag sa Bill of Rights, karapatan sa pagpapahayag, pag-oorganisa atbp. ang red-tagging.
"I-normalisa natin ang paglaban rito at biguin ang dominansya nito sa publiko, na naglalayong takutin, patahimikin at pasunurin ang mga mamamayan sa mga kontra-demokratiko o pasistang patakaran ng gubyerno, partikular ngayong eleksyon, para paburan ang kandidatura ni Marcos Jr. na anak ng isang diktador at mandarambong, at isang tax evader," panapos ni Soriano.
- Latest