Super-rich tax bill itinulak uli ngayong '2022 Filipino billionaires' list inilabas
MANILA, Philippines — Muling ikinampanya ng ilang militanteng kinatawan sa Kamara ang pagsasabatas ng panukalang buwisan ang mga bilyonaryo sa Pilipinas nang mapakinabangan raw ng karaniwang Pinoy ang lalong pag-alwan ng buhay ng ilan sa gitna ng krisis pang-ekonomiya.
Miyerkules lang nang ilantad ng Forbes ang listahan ng pinakamayayamang Pilipino — bagay na pinangunahan ng real estate magnate at dating Sen. Manny Villar Jr. ($8.3 bilyong net worth). Kasalukuyang 20 ang mga bilyonaryo sa bansa.
"Nakakalula ang lumabas na listahan ng mga bilyonaryo na lalo pang lumaki ang kabuuang yaman sa panahon ng COVID-19 at krisis pangekonomiyang bunga ng pagtaas ng presyo ng langis at batayang bilihin," ani Rep. Ferdinand Gaite (Bayan Muna), Miyerkules, sa isang pahayag.
"Bayan Muna filed HB 10253 or the Super-Rich Tax purposely so that those who have more, should pay more which is consonance with the principle of a progressive tax system."
Ang progressive taxation ay isang konsepto kung saan mas malaki ang buwis ng mayayaman habang mas maliit ang buwis ng mahihirap.
Ika-20 ng Setyembre taong 2021 pa inihain ng Makabayan bloc ang House Bill 10253, bagay na aamyenda sana sa National Internal Revenue Code of 1997.
Layon nitong magpataw ng "wealth tax" sa mga indibidwal na may net value assets na lalagpas ng P1 bilyon. Mas malaki ang kayamanan, mas malaki ang porsyento ng buwis.
- kayamanan lagpas P1 bilyon (1%)
- kayananan lagpas P2 bilyon (2%)
- kayamanan lagpas P3 bilyon (3%)
Sa kabila nito, nananatiling nakabinbin sa Committee on Ways and Means ang panukala noon pang 2021. Hindi na ito nagalaw.
"Unfortunately, the Duterte Administration prioritized the reduction of corporate income taxes of the large companies owned by these billionaires through the CREATE (Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprise) Act," patuloy pa ni Gaite.
"During this time of the pandemic and ecocomic downturn, the tax burden should be refocused to those who can afford to pay it, not those already over-burdened working class."
Enero 2022 lang nang maibalitang dumoble ang yaman ng 10 pinakamayayamang tao sa mundo sa gitna ng COVID-19. Kahit na matindi ang kawalang trabaho nang maraming Pinoy habang pandemya, 2021 nang lumago pa lalo ang laman ng bulsa ng mga Pilipinong bilyonaryo.
Matatandaang itinutulak ngayon ng 2022 presidential candidate na si Ka Leody de Guzman ang 20% wealth tax sa 500 pinakamayayamang Pilipino para pondohan ang marami sa kanyang mga proyekto gaya ng libreng COVID-19 testing, subsidyo sa mga magsasaka at P125 bilyong ayuda para sa micro, small, medium enterprises (MSME).
Sa kabila nito, ikinatatakot ni Alfredo Pascual, presidente ng Management Association of the Philippines, ang "capital flight," pagbaba pamumuhunan at pondo sa economic growth kung matuloy daw ang ganitong buwis sa mayayaman.
- Latest