Mga dealer ng peke, substandard na LPG bilang na mga araw
MANILA, Philippines — Sa pangunguna ng LPGMA Party-list, sumailalim sa isang seminar noong Biyernes ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection – Navotas ukol sa Republic Act 11592 o ang “LPG Industry Regulation Act” na naglalayong protektahan ang mga Pinoy consumer sa paggamit ng liquefied petroleum gas.
Nakatakda ring mag-seminar ang mga tauhan ng Philippine National Police – Malabon sa inisyatibang pangkaligtasan ng LPGMA Party-list.
Ayon kay LPGMA Party-list Rep. Allan Ty na nagsulong ng batas sa Kamara, bahagi ng batas ang pagbuo ng Task Force na siyang tutuligsa sa mga lumalabag sa probisyon ng LPG Law, gaya ng pamemeke ng selyo, pag-refill ng LPG na may halo, at pagbenta ng peke at substandard na mga basyo.
Dagdag pa ni Ty na nagsimula nang magsagawa ng seminar ang nabuong task force sa mga istasyon ng pulis at bumbero sa bansa upang magabayan ang law enforcement agencies sa mga nilalaman ng RA 11592.
“Itong seminar na ito ang unang hakbang sa ating pagpapatupad ng LPG Industry Regulation Act. Tayo ay umiikot sa iba’t ibang mga police and fire stations na rin para matulungan ang ating mga kapulisan sa pag-aresto ng mga lumalabag sa batas at nagsasamantala sa ating mga kababayan,” pahayag ni Ty.
Sa bisa ng RA 11592 ay ilang raid ang naisagawa ng mga pulis sa mga lugar sa Malabon, Bulacan at Pampanga kung saan ilang kumpanya ang naipasara at ilang operators na ang naipakulong.
- Latest