DOF mungkahi P200 kada buwang ayuda 'buong taon' vs oil price hikes
MANILA, Philippines — Matapos tablahin ng Department of Finance ang suwestyong pagsuspindi ng koleksyon ng excise tax sa langis para mapagaan ang epekto ng oil price hikes, itinutulak ng kagawawan ang P200 kada buwang ayuda sa publiko bilang tulong.
Ipinapanukala ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, Martes, ang naturang subsidyo para sa mahihirap ngayong nasa ika-11 sunod na linggo na ng pagtataas sa presyo ng langis — bagay na ikinaaaray ng mga motorista, konsyumer at mga tsuper ngayon.
"[W]e [plan to] provide targeted subsidies of P200 per month per household for 1 year to the bottom 50% of Filipino households. This will amount to P33.1 billion in budgetary requirements," mungkahi ni Dominguez kay Pangulong Rodrigo Duterte sa isang address na Miyerkules inere sa state media.
"Mr. President, we realize this is not enough but this is what we can afford as of this time. And to make sure our finances going forward and especially for the next administration are still going to be healthy, this I believe is what we can afford."
Una nang sinabi ni Finance Assistant Secretary Paola Alvarez na hindi keri ng gobyernong suspendihin ang excise tax sa langis dahil malulugi raw ang estado ng P138.8 bilyon, na katumbas na ng 0.6% ng gross domestic product.
Kahapon lang nang simulang mamahagi ng P6,500 fuel subsidy ang gobyerno para sa mga tsuper at operator bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina, na siyang record-high ngayon ang pagsirit. Gayunpaman, ubos daw agad ito sa isang linggo sa taas ng price hikes sabi ng isang transport group.
Itinutulak ngayon ng ilang mga mambabatas, transport groups at mga progresibong grupo ang suspensyon o pagtapyas ng fuel excise tax kontra sa pagtaas ng presyo ng langis, maliban pa sa tuluyang pagbabasura ng Oil Deregulation Law na nagbibigay laya sa mga dambuhalang kumpanya na magtaas ng presyo nang wala gaanong regulasyon.
"Cutting the tax will benefit more the people who have cars and they are the richer people. We will not be benefitting so much the bottom 50% of our population. That will make it very inequitable," dagdag pa ni Dominguez, kahit na tumataas ang presyo ng bilihin para sa lahat sa tuwing nagmamahal ang produktong petrolyo.
Inaasahan ngayon ng estado na makakakolekta ito ng dagdag na P26 bilyon mula sa value added tax sa fuel, kung tataas ang presyo sa $100 kada bariles.
'P10k ayuda, P15k sa agri subsidy ang kailangan'
Muli namang idiniin ng grupong Amihan National Federation of Peasant Women ang giit nitong P10,000 social amelioration at P15,000 agricultural production subsidy sa ikalawang anibersaryo ng economic lockdowns at walang-humpay na oil price hikes para na rin makatulong sa kabuhayan ng mga magsasaka.
"Ayuda pa rin ang sigaw ng kababaihang magsasaka ngayong ika-dalawang taon ng lockdown ni Duterte. Lalong bumagsak nga ang kabuhayan dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis at pagkain," wika ni Zenaida Soriano, chairperson ng Amihan national kanina.
"Dahil militarista at palpak ang mga hakbang ng gubyerno, tumagal ang danyos ng pandemya sa kabuhayan ng mga maralitang sektor. Hanggang ngayong naka-alert level 1, hindi matapos-tapos ang krisis at inabutan na ng krisis sa presyo ng produktong langis
Aniya, ramdam na ramdam ngayon ang pagtaas ng presyo ng batayang pangangailangan lalo na sa kanayunan. Nasa P80 hanggang P90 raw kasi ang increase sa super kalan LPG simula Disyembre 2021 hanggang sa kasalukuyan.
Sa probinsya ng Laguna, nagmahal na raw ng P40 ang mantika kada 1.5 litro mula sa P130 patungong P170 nitong Marso 2022. Ang presyo ng tilapia, tumalon na rin daw mula P100 patungong P120 kada kilo.
"The Duterte regime should be held accountable for neglecting the worsened condition of farmers and peasant women. The farmers and peasant women decried from the impact of RA 11203 Rice Liberalization Law which resulted to depressed palay farmgate prices, soaring fertilizer prices, and the recent impact of oil price hike to agricultural production," dagdag pa ni Soriano.
- Latest