^

Bansa

P6,500 fuel subsidy sa tsuper kulang, 'ubos sa isang linggo' — transport group

James Relativo - Philstar.com
P6,500 fuel subsidy sa tsuper kulang, 'ubos sa isang linggo' — transport group
Litrato ni Lana Linaban, second nominee ng Anakpawis party-list, habang nasa "protestang bayan" laban sa oil price hikes, ika-15 ng Marso, 2022
Litrato mula sa Anakpawis party-list

MANILA, Philippines — Kahit nakatakdang magbigay ng subsidyo ang gobyerno para sa mga tsuper ng pampasaherong mga sasakyan simula ngayong araw sa gitna ng patuloy na gera sa pagitan ng Russia at Ukraine, panandaliang ginhawa lang daw ito ngayong nagtaas na naman ang presyo ng langis.

Ngayong Martes naging epektibo ang dagdag na P13.15/litro ng diesel at nasa P7.10/litro ng gasolina — na sinasabing pinakamataas na pagtalon sa presyo ng petrolyo ngayong ika-11 sunod na linggo ng oil price hikes.

"'Yung ibibigay nila na ayuda sa amin na P6,500, sa jeepney at UV Express isang linggo lang po ay ibinalik na naman namin 'yung pera doon sa gasolinahan," ani Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas president Orlando Marquez kanina sa panayam ng CNN Philippines.

"Kung ganoon din ang itinaas nila na P13, talagang ito ay panloloko sa amin po, panloloko sa buong sambayanang Pilipino... Nakaupo kami rito sa labas ng Petro Gazz, bakit sila ay mas mababa ng halagang P10? Bakit 'yung mga malalaking kumpanya hindi kayang magbigay?"

Una nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbibigay sila ng P6,500 fuel subsidy simula ika-15 ng Marso, bagay na kukunin mula sa P2.5 bilyong pondo para sa nasa 377,000 tsuper.

Dagdag pa ni Marquez, maaaring kulangin pa ito sa isang linggo para sa mga sasakyang may malalaking makina kung saan nasa P2,000 raw ang ikinakarga kada araw. Aniya, pahirap na nang husto ang idinudulot ng umiiral na Oil Deregulation Law na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga kumpanya ng langis na magtakda ng presyo nang wala gaanong regulasyon ng gobyerno.

Bagama't ipinapanukala ngayon ng ilang mambabatas na isuspindi ang pangongolekta ng excise tax sa langis para mapagaan ang pasanin ng mga motorista, pinapalagan ito ng mga economic managers. Ayon sa Department of Budget and Management, mawawalan daw kasi ng P117 bilyong revenues ang Pilipinas kung isususpindi ito.

"Ang diskarte na lang po namin siguro... magtinda na lang po kami ng gulay-gulay, ng karne, kung anumang na kaonting naipon namin na pangnegosyo sa iba. Susubukan na namin dahil talagang napakalupit na ng ginagawa ng oil companies... dahil sa Deregulation Law," dagdag pa ni Marquez.

"Kahapon ay meron pang P300 na naiuuwi [na pera ang mga namamasada] sa tradisyunal na jeep. Baka siguro ngayon, baka kakainin na po ng P13, baka wala na pong maiuwi ang mga drayber."

"Ang aming hinihiling... tapyasin na lang po 'yung excise tax, bawasan o isuspindi muna para po makausad tayo. Dahil kung ibinibigay na ayuda lang 'yan [kulang]."

Tigil-palaot, protesta, Deregulation Law review

Naglulunsad naman ng "protestang bayan" ngayong araw ang Anakpawis party-list bilang pagkundena sa naturang pagtaas ng presyo ng langis, habang itinutulak ang gobyerno na gumawa na talaga ng aksyon.

Binanatan naman ng militanteng transport group na Piston ang Department of Energy, lalo na't pinayuhan na lang daw nito ang publiko na umiwas sa "unnecessary trips" imbis na kumilos.

"Imbis na bigyan tayo ng solusyon gaya ng pagbasura sa Oil Deregulation Law, gusto na lang tayong patayin sa gutom!" ayon sa grupo kanina.

Tigil-palaot naman ang tugon ng fisherfolk group na PAMALAKAYA, lalo na't aabot na raw sa P924 ang kailangan nilang gastusin para sa P12 litrong konsumo ng mga mangingisda kada fishing trip. Dati ay nasa P780 lang daw ito noong P65/litro lang ang diesel ilang linggo pa lang ang nakalilipas.

Kasalukuyang ipinarerebyu sa Konggreso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Oil Deregulation Law sa medium-term, maliban pa sa pagbibigay ng intervention powers sa gobyerno para makialam kapag merong tuloy-tuloy na pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo.

Isa ngayon sa itinutulak ni presidential candidate Ka Leody de Guzman ang pagre-repeal ng Oil Deregulation Law bilang tugon sa nasabing hikes, na nagpapataas ng presyo ng bilihin. Kasabay nito, kinakailangan na raw itaas ang minimum na pasahod sa P750 kada araw. Ganyan din naman ang ipinapanawagan ng ilang kandidato sa pagkabise presidente maliban sa price controls.

Naghahain ngayon si Makabayan senatorial candidate Neri Colmenares ng limang hakbang para mapababa ang presyo ng langis, na naglalayong tanggalin ang mga excise tax, muling pagbili ng gobyerno sa Petron at pagbabasura sa kontrobersyal na Oil Deregulation Law.

ANAKPAWIS PARTY-LIST

FUEL EXCISE TAX

FUEL SUBSIDY

JEEPNEY

OIL DEREGULATION LAW

OIL PRICE HIKES

PISTON

TRANSPORT GROUPS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with