P6,500 fuel subsidy sa mga tsuper, operator ibibigay simula ika-15 ng Marso
MANILA, Philippines — Makakatanggap ng libu-libong fuel subsidies ang mga tsuper at operator ng mga pampasaherong sasakyan simula ika-15 ng Marso sa gitna ng sunud-sunod na oil price hikes, pagkukumpirma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang anunsyo ay inilabas matapos i-release ng Department of Budget and Management, Huwebes, ang P2.5 bilyon at P500 milyong pondong fuel subsidy para sa mga public transport sector at mga magsasaka.
"Starting Tuesday po, we'll start distributing to the beneficiaries na po," wika ni LTFRB executive director Tina Cassion sa reporters, Biyernes.
Aabot sa 377,000 public utility vehicle (PUV) drivers mula sa mga pampasaherong jeep, UV express, taxi, tricycle atbp. full-time ride-hairing at deliviery service providers ang makikinabang dito. Ayon kay Cassion, ilalabas ng LTFRB ang guidelines para rito sa susunod na linggo.
Maaaring i-claim ng 377,443 benepisyaryo ang kanilang mga subsidyo sa pamamagitan ng cash cards na ilalabas ng Landbank of the Philippines. Ang mga naturang card ay maaari nilang gamitin para ipambayad sa mga gasolinahan.
Una nang inaprubahan ni Duterte ang fuel discount vouchers para sa mga magsasaka at mangingisda bilang tugonb sa tumataas na presyo ng langis.
Kasalukuyang nasa ika-10 sunod na linggo na ng oil price hikes ang nararanasan sa Pilipinas kasabay ng pagtaas ng presyo mng produktong petrolyo dahil sa pananakop ng Russia sa Ukraine.
Kanina lang nang bigyan ng March 18 "ultimatum" ng ilang grupo ng manggagawa ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board - NCR para harapin sila sa isang dayalogo tungkol sa petisyon nilang itaas ang minimum na sahod sa gitna ng oil price hikes. — James Relativo
- Latest