'Magnanakaw 'yun tama?': Domagoso sa panunuod ni Marcos ng 'Ant-Man' bago kumandidato
MANILA, Philippines — Speechless si presidential candidate Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso pagdating sa ginagawa ng katunggaling si dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nang maisipang kumandidato sa eleksyon — lalo na't kwento ng kawatang naging bayani ang pinanunuod noon ng ikalawa.
Sa March 9 interview kasi ni Boy Abunda sa misis ni Bongbong na si Liza Araneta-Marcos, naikwentong nanunuod si BBM ng pelikulang "Ant-Man" nang mapagdesisyunang kakandidato sa pagkapangulo sa 2022.
"Ant-Man? 'Yan ba 'yung sa Marvel? 'Yung istorya niyan from magnanakaw to hero? Kasi parang napanuod ko 'yan dati eh," wika ni Domagoso, Biyernes, habang kaharap ang media sa Nueva Ecija.
"Good luck [kay Marcos]. Wala akong masabi."
Reaction ni presidential aspirant Mayor Isko moreno sa balitang sa panonood ng Ant-Man movie nakapag-decide tumakbo bilang pangulo ang katunggaling si Ferdinand Marcos Jr. @onenewsph @News5PH #BilangPilipino2022 pic.twitter.com/p2WqUbbxZx
— Romel M Lopez (@romeltv5) March 11, 2022
Matatandaang ipinupukol ngayon ni presidential candidate at Sen. Manny Pacquiao ang isyu ng korapsyon laban kay Marcos, lalo na't kasama ang huli sa mga isinasangkot sa bilyun-bilyong pisong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam ni Janet Lim-Napoles.
Si Bongbong ay anak ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na merong limpak-limpak na ill-gotten wealth na binabawi pa rin hanggang sa ngayon ng Presidential Commission on Good Government (PCGG). Nahatulan namang guilty sa pitong counts ng graft ang ina niyang si Imelda Marcos noong 2018.
"Kami ni [vice presidential candidate] Doc Willie [Ong] nagdesisyon kasi... gusto namin ialay 'yung serbisyo namin. Gusto namin ialay 'yung experience namin. Gusto naming ialay 'yung mga pangarap namin para sa tao," banggit naman ni Domagoso habang ikinekwento kung paano nila naisipang tumakbo para sa pinakamatataas na posisyon sa gobyerno.
"Fortunately Doc Willie said yes. When he said yes, we planned. Sabi ko, 'Doc, ikaw sa life, ako sa livelihood.' Kasi ang pokus namin life and livelihood in the first two years."
Walang plano anim na buwan ang nakalilipas?
Una nang sinabi ni Liza, misis ni Bongbong, na hindi alam ng kanyang mister kung saan dadalhin ang kanyang karera sa pulitika kalahating taon na ang nakalilipas.
Ito'y kahit Enero 2020 pa lang ay inanunsyo na ni BBM na may plano siyang kumandidato para sa national post ngayong taon.
"Six months ago, he wasn't so sure what to do, with no party, you know. And then one day, we're watching Ant-Man' in the room," sabi ng misis ni Bongbong sa panayam.
"He loved Marvel movies, and then he looked at me and he goes, 'Okay, we're gonna do this,' he told me. 'Do what?' 'Run for the presidency.'"
In her interview with Boy Abunda, Liza Araneta-Marcos said that her husband was not sure if he was going to run for presidency six months ago. But later when watching the Marvel movie “Ant-Man,” Marcos Jr. suddenly told his wife that he was going to run for the presidency. pic.twitter.com/aueTl4r4eM
— Philstar.com (@PhilstarNews) March 10, 2022
Huwebes nang mag-viral ang nasabing interview. Hango ang kwento ni Ant-Man sa storya ni Scott Lang, isang magnanakaw na naging superhero. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5
- Latest