DOH: Alert Level 'zero' pinag-aaralan sa lalong pagbaba ng COVID-19 cases
MANILA, Philippines — Tinitignan na ngayon ng gobyerno ang pagdedeklara ng "Alert Level 0" kung magtutuloy-tuloy ang pagganda ng COVID-19 situation sa Pilipinas — pero pinaplantsa pa ngayon kung anu-ano ang mga pagluluwag na pwedeng gawin sa ganoong sistema.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na anim na araw na kasing mas mababa sa 1,000 ang daily COVID-19 cases sa Pilipinas.
"Hopefully mapababa pa natin... nang 500 or even less on a daily basis [ang COVID-19 cases]. Malay natin, baka naman pwede nang mag-deescalate to Alert 0. Pero 'yung Alert Level 0 ay pag-uusapan pa 'yan ng [Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases]," ani Duque sa state media, Huwebes.
"Ano ba ang elements ng Alert Level 0? Kasi may mga tanong halimbawa, sa Alert Level 0, pwede na bang magtanggal ng mask? Pwede na bang 'wag nang sumunod sa hand hygiene? 'Yung mga ventilations, supisyente ba?"
Binabanggit ito ngayon ni Duque matapos sabihin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi tumaas ang bagong COVID-19 cases kahit sa mga Alert Level 1 areas gaya ng Metro Manila kung saan 100% capacity na sa mga establisyamento, trabaho, pampublikong sasakyan, atbp.
Sa kabila nito, nauna nang binanggit ni Duque na hindi pa napapanahon ang pagpapatupad ng nationwide Alert Level 1 upang hindi agad mawala ang mga napagtagumpayan ng bansa laban sa nakamamatay na virus nitong nakalipas na dalawang taon.
"Maraming mga tanong pa ang kailangan pang sagutin at pinag-aaralan na ito ng ating mga expert panel, technical advisory group natin... at magbibigay ng rekomendasyon sa ating IATF sa mga darating na araw," dagdag pa ng DOH official kanina.
Pebrero 2022 lang nang tanggalin ng bansang Denmark ang face mask at health pass requirements para sa mga residente nito, dahilan para maging unang miyembro ng European Union na nagtanggal ng domestic COVID-19 curbs sa gitna ng Omicron variant.
- Latest