Marcos nag-sorry dahil Sara Duterte wala sa Abra rally; Isko-Sara campaign umarangkada
MANILA, Philippines — Humingi ng tawad si dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa absence ng kanyang VP running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa Bangued, Abra sortie kanina — ito kasabay ng pag-endorso ng isang grupo sa tandem nina Sara at presidential bet Manila Mayor "Isko Moreno" Domagoso.
Miyerkules nang humarap si Bongbong, anak ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, sa kanilang mga supporter sa probinsya ng Abra habang ipinapaliwanag ang kapansin-pansing pagliban ng kanyang katambal sa eleksyon.
"Hihingi lang po ako ng paumanhin na hindi nakarating ang aming susunod na bise presidente [Sara Duterte] dahil hindi siya pinalipad at umuulan doon sa Davao kaya hindi siya nakaalis," sabi niya sa harap ng publiko kanina.
"Ngunit patuloy pa rin ang kanyang pagdala ng pagmamahal sa inyo na ang kanyang mensahe na mahalin ang ating bansang Pilipinas."
Nagaganap ito ngayong itinatambal ng ilang grupo sa ibang presidential candidate gaya ni Isko Moreno si Sara Duterte-Carpio kahit na si Marcos talaga ang opisyal na running mate ng huli. Umaasa pa rin si Domagoso na makukuha niya ang suporta ni Digong.
Sa kabila nito ipinagmamalaki pa rin ni Bongbong si Inday Sara bilang "pinakamagaling, pinakamahusay at pinakamatapang" na siyang dapat daw niyang makatuwang bilang bise sa susunod na administrasyon.
Kasalukuyang ang UniTeam Alliance nina Marcos at Duterte-Carpio ang may pinakamalaking tiyansang manalo sa huling pre-election surveys na Pulse Asia nitong Enero.
'ISAng Pilipinas' para kina Isko-Sara
Ngayong araw din, habang wala si Sara sa tabi ni Bongbong, ni-launch naman ng aktres na si Vivian Velez sa Club Filipino, San Juan ang media conference ng "ISAng Pilipinas coalition" para iendorso ang tandem nina Domagoso at Duterte-Carpio.
Ang naturang press launch ay itinaguyod ng Ikaw Muna (IM) Pilipinas, na humimok kay Domagoso na tumakbo sa pagkapresidente noong 2021.
Present din sa launch kanina si Isko-Sara Tandem convenor at dating Maguindanao Rep. Zajid "Dong" Mangudadatu. Aniya, mas mahusay daw si Isko kaysa sa isang kandidatong ayaw humarap sa publiko at sa isa pa na hindi tiyak kung pink o dilaw. Ang mga nabanggit ay tila sina Marcos at Bise Presidente Leni Robredo.
Si Velez ay dating support ng "Sara All" campaign na nagpapatakbo kay Duterte-Carpio sa pagkapresidente ngunit sinuportahan na lang si Isko nang kumandidato na lang ang presidential daughter sa pagkabise. Dagdag pa niya, pinakamahusay magpatakbo ng bansa ang mga alkalde.
A GROUP PUSHING FOR ISKO-SARA TANDEM
— Philstar.com (@PhilstarNews) March 9, 2022
Actress Vivian Velez, a prominent Duterte supporter, launched "ISAng Pilipinas" endorsing Isko Moreno and Sara Duterte for the upcoming national elections. | via @JMilSev /Philstar.com pic.twitter.com/iKZfbhtIWJ
Pebrero lang nang mangandidato si Domagoso sa Mindanao habang kasama ang mga mga nagtutulak ng Isko-Sara tandem, ngunit idiniin niyang hindi niya nilalaglag bilang bise presidente si Dr. Willie Ong. Aniya, hindi lang niya sinama ang totoong running mate dahil ayaw niyang "mapahiya" ang nabanggit.
Ayon sa independent film producer na si Edith Fider, na bahagi ng ISAng Pilipina, mahal nila si Ong ngunit "may kalalagyan" daw ang huli. Naninindigan ang grupo na posibleng gawing kalihim ng Department of Health (DOH) si Ong kung nagkataon sa ilalim ng administrasyong Isko-Sara. — may mga ulat mula kina Jan Milo Severo at The STAR/Marc Jayson Cayabyab
- Latest