Tigil-pasada ng jeepney ikinakasa
MANILA, Philippines — Pinag-iisipan na umano ng ilang jeepney operators at drivers na itigil na muna ang pamamasada dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) president Orlando Marquez, nagpulong sila ng ilang jeepney operators at drivers kamakalawa at sinabi ng mga ito sa kanya na plano nilang magtigil na muna ng operasyon kung hindi sila tutulungan ng pamahalaan.
“Kahapon (kamakalawa) nag-urgent Zoom meeting kami sa aming pamunuan ng mula Mindanao hanggang Aparri, Cagayan, La Union, Ilocos Sur, Mountain Province, Cordillera—’yan po ‘yung pinakamatindi po dahil inaabot na po ng mahigit sitenta na ‘yung krudo doon,” ani Marquez, sa panayam sa telebisyon.
“Kaya ang kanilang sinabi sa akin kahapon ay hindi na lang daw po sa bibiyahe kung ganito na wala namang tulong,” aniya pa.
Kaugnay nito, kinumpirma rin naman ni Marquez na nakatanggap sila ng ulat na may ilang jeepney drivers na ang nagsimula nang maningil ng ?15 minimum fare upang kumita kahit kaunti, kahit hindi pa aprubado ng pamahalaan ang inihain nilang petisyon hinggil dito.
- Latest