^

Bansa

Duterte nais pang 'itaas' estado ng kababaihan ngayong 2022 Women's Day

James Relativo - Philstar.com
Duterte nais pang 'itaas' estado ng kababaihan ngayong 2022 Women's Day
Makikita sa file photo na ito ang ilang militanteng kababaihan habang nasa Pandaigdigang Araw ng Manggagawang Kababaihan, ika-8 ng Marso, 2020
Philstar.com/James Relativo

MANILA, Philippines — Bagama't may marami nang tagumpay sa pagtataas ng katayuan ng kababaihan sa Pilipinas, naninindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na marami pang magagawa upang mapaigi ang kanilang lugar sa lipunan.

Sinasabi niya ito kahit 2021 nang banggitin ni Duterte na "hindi trabahong pambabae" ang pagiging presidente ng bansa, na ilan lang sa mga sexist remarks na kanyang binitiwan simula nang maluklok noong 2016.

"While a growing consciousness on equality is already an impressive feat and women are breaking the glass ceiling, I believe that we can do more," wika ni Digong sa kanyang International Women's Day message, Martes.

"As we gain more access to education, information and innovation, more women will have the chance to meaningfully participate in many aspects of human development and change the mindsets that continue to put women and other gender expressions at a disadvantage."

Dagdag pa ni Digong, na una nang sinabing hinipuan niya noon ang kanilang kasambahay at dapat daw "barilin sa puke" ang mga babaeng miyembro ng New People's Army (NPA), kailangang magkaisa ang lahat upang tiyaking hindi napag-iiwanan ang sinuman at nabibigyan ang lahat ng kapasidad na magtagumpay sa buhay. 

Dati nang sinabi ni Bise Presidente Leni Robredo, ang tanging babaeng kumakandidato sa pagkapresidente sa 2022, na tutol siya sa pagtingin ni Duterte na "inferior" ang babae kumpara sa mga lalaki nang sabihin ng pangulong hindi pwedeng magpresidente ang mga gaya niyang babae.

"Be it in politics, business, academe and local communities, most especially in our homes, women have occupied and continue to occupy positions of power and influence in our society," dadag ni Digong.

"Mabuhay ang mga Kababaihang Pilipino!"

Oil price hikes sa Araw ng Kababaihan

Sumugod naman ang mga militanteng kababaihan sa pangunguna ng Gabriela sa tarangkahan ng Malacañang upang singilin ang singilin ang "kawalang-aksyon ng gobyernong Duterte" sa ika-10 sunod na linggo ng oil price hikes ngayong araw, na isinabay pa raw sa Women's Day.

"Karinyo-brutal itong big-time oil price hike at ikasampung linggo ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa mismong Araw ng Kababaihan. Walang pagkakaiba ito sa nambubugbog ng asawa na hindi nagsasawang mang-abuso hangga’t hindi namamatay ang babae," wika ni Joms Salvador, secretary-general ng Gabriela, kanina.

"Maituturing nang krimen sa kababaihan at mamamayan ang kawalang-aksyon ng gobyerno kahit halos mamatay na sa gutom at hirap tayong mamamayang hindi na makahinga sa epekto sa mga bilihin ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis."

Wika nina Salvador, dapat nang suspindihin ng gobyero ang excise tax sa langis na kabilang sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong 2017.

Dagdag pa ng Gabriela, bababa ng P6/litro ang diesel at P10/litro ang gasolina kung aalisin ang excise tax. Mababawasan din daw ng P3/litro ang presyo ng  presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) na siyang ginagamit nang maraming kababaihan sa pagluluto.

"Presidente siya [Duterte], puwede niyang ipatawag ang Kongreso anumang oras para ihapag ang pagrepaso nang sa gayon ay maibasura ang Oil Deregulation Law. Huwag din niyang idahilan ang giyera sa Ukraine dahil buwan pa bago magkagiyera ay nabili na ng mga oil company ang stock nila ng langis na isu-supply nila sa mga bansa gaya ng Pilipinas," dagdag pa ng Gabriela leader.

"Dapat nga, iutos pa ni Duterte sa Department of Energy na imbestigahan at paruhasan ang malalaking kumpanya ng langis sa posibleng manipulasyon nila sa presyo ng langis sa bansa."

ABUSE

GABRIELA

INTERNATIONAL WOMEN'S DAY

RODRIGO DUTERTE

SEXISM

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with