NCR 'family living wage' tumaas sa P1,072/araw, lalong lumayo sa minimum
MANILA, Philippines — Tumaas pa lalo ang sahod na kakailanganin araw-araw para sa mga pamilyang may limang miyembro para mabuhay nang disente nitong Pebrero 2022, ayon sa taya ng economic think tank at development NGO na IBON Foundation.
"A family of five in [National Capital Region] needs P1,072/day or Php25,252/month in order to live decently," ayon sa IBON, Biyernes, matapos nilang ilabas ang bagong estima sa "family living wage" ngayong taon.
"Workers’ wages keep falling amid inflation and unchanging minimum wage. NCR minimum wage is now just half of the family living wage."
Workers' wages keep falling amid inflation and unchanging minimum wage. NCR minimum wage is now just half of the family living wage.
— IBON Foundation (@IBONFoundation) March 4, 2022
Hi-res version on our website: https://t.co/3vjkfVCrwb#PeopleEconomics #MayMagagawa pic.twitter.com/fCwWZd2h5A
Ang bagong computation ng IBON ay pagtaas mula sa dating P1,065 kada araw o P25,091 kada buwan na kailangan noong Hulyo 2021. Isinang-alang-alang sa bagong mga datos ang mga arawang gastusin gaya ng:
- pagkain
- renta sa bahay
- tubig, kuryente, gas, atbp.
- transportasyon
- edukasyon
- savings
- atbp.
Bagama't nanatili sa 3% ang "inflation rate" (porsyento ng pagtaas ng presyo ng bilihin sa isang takdang panahon) ng Pilipinas nitong Pebrero 2022 ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) kanina, nasa ikasiyam na linggong sunud-sunod na oil price hike na ang bansa na nagpapataas sa presyo ng bilihin.
Sa kabila nito, nakapako pa rin sa P500 hanggang P537 ang minimum wage sa Metro Manila simula pa noong Nobyembre 2018. Ang minimum na pasahod sa Kamaynilaan ang pinakamataas sa buong Pilipinas.
"Tuloy-tuloy ang pagbagsak ng tunay na halaga ng sahod sa ilalim ng administrasyong Duterte dahil sa inflation na hindi sinasabayan ng umento sa sahod," wika ni Sonny Africa, executive director ng IBON, sa panayam ng Philstar.com.
"Dalawang beses lang nagtaas ng sahod sa NCR sa ilalim ni Duterte — ito ang pinakakaunti sa nakaraang [anim] na administrasyon... Mas lalaki ang problema sa pagsirit ng presyo ng langis dahil sa gera sa Ukraine."
Hunyo 2018 nang sabihin ni noo'y Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na P42,000 buwan-buwan ang sahod na kailangan para sa pamilyang lima ang miyembro.
Wage petitions simula 2019 nakabinbin pa rin
Kaugnay ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin, muling nanawagan ang alyansang Unity for Wage Increase Now! sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa NCR na simulan na ang mga pagdinig sa kanilang petisyong P750 minimum wage na Nobyembre 2019 pa inihain.
"Gutom na po ang manggagawa at masang Pilipino. Magmula nang i-file ang petition, ilang beses nang nagtaas ang presyo ng langis at iba pang bilihin. Lagpas dalawang taon na po tayo sa pandemya, krisis at kahirapan, pero tulug-tulugan ang Regional Wage Board sa ating hinaing," ani Charlie Arevalo, tagapagsalita ng UWIN, kanina.
"Ang layunin ng manggagawa sa wage petition na ito ay makaagapay sa taas-presyo ng bilihin. Butas na ang bulsa at pigang-piga na ang minimum wage earners. Overdue ang wage increase, hindi lang sa NCR kundi sa lahat ng rehiyon."
Ang UWIN ay binubuo ng 11 NCR-based workers unions at limang labor organizations. Nitong Marso 2020, siyam na labor federations na kaalyado ng Kilusang Mayo Uno ang sumuporta sa petisyon ng UWIN.
Isa ang 750 national minimum wage sa panawagan ng Makabayan bloc at presidential candidate na si Ka Leody de Guzman.
Dati nang ibinababala ng mga negosyanteng dudulo ito sa "pagkalugi" ng mga negosyo at pagtaas ng inflation rate, ngunit ayon kina De Guzman, sisigla pa nga ang ekonomiya kung gagastusin sa mga lokal na negosyo ang dagdag sahod ng manggagawa.
- Latest