'Price ceiling' sa mga bilihin hirit sa ika-9 linggo ng oil price hikes
MANILA, Philippines — Nanawagan na ng "price ceiling" ang ilang magsasaka't consumer sa Department of Trade and Industry (DTI) para mapigilan ang lalong pagtaas ng presyo ng mga bilihin kasabay ng ikasiyam na sunod na linggong pagtaas ng presyo ng langis — ito habang sinasakop ng Russia ang Ukraine.
Lunes nang sabihin ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno na posibleng tumaas sa 3.2% ang inflation rate nitong Pebrero kahit na bumaba ito sa 15-month low nitong Enero dahil sa walang humpay na pagmamahal ng produktong petrolyo at pagkain.
"The government is not helpless in addressing price hikes. The DTI may recommend the imposition of mandated price ceiling on basic and prime commodities as stipulated in the Price Act of 1992," ani Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson emeritus Rafael Mariano, Miyerkules.
"The government has power and authority to act on price hikes. Basic sectors — workers, farmers, and consumers are most vulnerable to 'price shocks.' The absence of any aid or economic relief for marginalized sectors worsens the situation."
Sa pagtaas ng presyo ng langis, na ginagamit sa pagtransporta ng iba't ibang produkto, sinasabing tumaas ang presyo ng bigas, karne, manok, tinapay, gulay atbp. Maliban pa 'yan sa mataas na presyo ng pataba sa lupa.
Ani Mariano, na chair din ng Anakpawis at dating kalihim ng Department of Agrarian Reform, maaari ring gumawa ng "buffer fund" sa mga implementing agencies para bumili, mag-import o stockpile ang gobyerno ng anumang basic necessity o prime commodity at maibenta ito sa publiko sa murang halaga.
"The DTI and DA can procure and stockpile basic goods and sell to them to the public at much lower and affordable prices," dagdag pa ni Mariano.
Una nang nanawagan ng suspensyon ng pagkolekta ng fuel excise tax si vice presidential candidate Rizalito David kaugnay ng pagtaas ng presyo ng gasolina habang price controls naman ang itinutulak ng katunggali niya na si dating Akbayan Rep. Walden Bello.
Patung-patong na ngayon sa Kamara ang nananawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag na ng special session kasama ang Konggreso para pag-usapan paano kakaharapin ang isyu ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ano ang pwede i-'price ceiling' sa batas?
Ilan sa mga dahilan para magkaroon ng mandated price ceiling sa ilalim ng batas ang mga kalamidad, banta o epekto ng emergency, malawakang pagmamanipula ng presyo, artipisyal o unreasonable price increases sa bassic at prime commodity.
"The President, upon the recommendation of the implementing agency, or the Price Coordinating Council, may impose a price ceiling on any basic necessity or prime commodity if any of the following conditions so warrants," ayon sa Republic Act 7581 o Price Act.
Ilan sa mga "basic necessities" at "prime commodities" na pwedeng ayon sa RA 7581 ang sumusunod:
- bigas
- mais
- tinapay
- isda atbp. lamang-dagat
- sariwang baboy, baka at pooultry gaya ng manok
- sariwang itlog
- gatas
- sariwang gulay
- root crops
- kape
- asukal
- mantika
- asin
- sabong panlaba
- detergent
- kahoy panggatong
- uling
- kandila
- mga gamot na tutukuyin ng Department of Health
- harina
- dried, processed at canned pork
- beef at poultry meat
- dairy products na hindi basic necessities
- noodles
- sibuyas
- bawang
- suka
- patis
- toyo
- sabon
- pataba sa lupa
- pestisidyo
- herbicides
- poultry
- pagkain ng baboy at baka veterinary products para sa poultry, baboy and at baka
- papel
- school supplies
- nipa shingles
- sawali
- semento
- clinker
- GI sheets
- hollow blocks
- plywood
- plyboard
- pako
- battery
- electrical supplies
- bumbilya
- steel wire
Mababang huli ng isda dahil sa OPH
Hindi lang presyo ang epekto ng oil price hikes sa mga pangunahing bilihin: pati na ang produksyon ng isda nitong unang kwarto, napatamlay.
Ayon kay Ronnel Arambulo, national spokesperson ng mga militanteng mangingisdang PAMALAKAYA, aabot na sa 80% ng production expenses nang maraming mangingisda ngayon ang napupunta sa fuel costs.
"Due to expensive diesel, we have to lessen our fishing activities because our income is low as it is that it can’t even recover the ever-rising production costs," saad pa ni Arambulo.
"The low productivity among the small fisherfolks will not only be recorded on the total fisheries output, but it will moreover affect the local fish supply and market prices."
Reklamo pa ng PAMALAKAYA, napapalala pa ng mataas na rekisitos ng gobyerno bago makapagbigay ng fuel subsidies ang kinakaharap nilang krisis. Aniya, hindi raw uubra na umabot sa all-time high ang presyo ng langis sa buong mundo bago ito gawin.
- Latest