^

Bansa

'Natusta?': De Guzman ginisa Montemayor sa isyu ng P750 minimum wage

James Relativo - Philstar.com
'Natusta?': De Guzman ginisa Montemayor sa isyu ng P750 minimum wage
Ka Leody de Guzman (left) and Jose MOntemayor Jr. (right) at the first nationally televised presidential debates at the University of Santo Tomas in Manila and aired on CNN Philippines on Sunday, Feb. 27, 2022.
Marvin John Uy for Philstar.com

MANILA, Philippines — Dalawang 2022 presidential candidates ang nagsusulong ng pagtataas ng minimum na pasahod ng mga manggagawa sa buong Pilipinas — kaso, tutol dito ang isa pang kandidato, dahilan para dumulo ito sa maaanghang na sagutan sa CNN Philippines presidential debates.

Linggo nang ilahad nina Ka Leody de Guzman at Sen. Manny Pacquiao sa naturang ang plano nilang itaas "across the board" ang minimum na sahod. Ang una, patungong P750 kada araw habang ang ikalawa naman ay sa P20,000 hanggang P30,000 kada buwan.

Ayon sa National Wages and Productivity Commission, hanggang P537 kada araw lang ang minimum wage sa Metro Manila — ang pinakamataas sa Pilipinas.

Bakit nga ba P750/day?

Ayon kay De Guzman, ibinase nila ito sa sinabi noon ng dating Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, na nagsabing kailangan ng P42,000 kada buwan ng isang pamilyang may limang miyembro para mabuhay.

"Ang sabi ng NEDA (National Economic and Development Authority), si Secretary Pernia, sinabi na niya na ang dapat sahurin ng mga manggagawa sa Pilipinas ay nasa P1,608 a day sa taas ng presyo ng bilihin at tska serbisyo dito sa bansa," wika ni De Guzman, na isang dating factory worker.

"Pero sa tingin ko, kahit kalahati man lang niyan ay matanggap ng manggagawa natin ay malaking pag-alwa na, makakatulong na kahit wala pa sa P1,600."

Hulyo 2021 lang nang sabihin ng progresibong IBON Foundation na kailangan ng P1,065 kada araw ng isang pamilya sa NCR na may limang miyembro para mabuhay nang disente.

Sang-ayon naman si Pacquiao, na galing din sa hirap bago yumaman bilang boxing champion, sa sinabi ni De Guzman. Aniya, magandang ipako sa P750 hanggang P1,200 kada araw ang sahod ng mga manggagawa sa Pilipinas depende sa trabaho.

Ayon sa sosyolohista at direktor ng Development Studies Program ng Ateneo de Manila University (ADMU), "consistent" sa survey data ang P750 daily minimum wage na panukala ni De Guzman, lalo na't nasa P15,000/buwan ang self-rated povery threshold ng Social Weather Stations. Sa kabila nito, mas mababa ang kita nang marami rito at sinasabing P7,000 ang agawat.

Dagdag pa ni De Guzman, marami nang pag-aaral na nagsasabing makatutulong sa ekonomiya ang pagtataas ng sahod dahil igagastos din ito ng mga manggagawa sa mga negosyo. Dahil diyan, hindi naman daw malulugi ang mga kapitalista.

Dati nang panakot ng mga liberal na ekonomista na pwede itong pagmulan ng inflation o matakot ang mga investors.

Bago pa kumandidato sa pagkapresidente ang labor leader na si De Guzman, ilang taon nang itinutulak ng militanteng Makabayan bloc sa Kamara ang P750 kada araw na minimum na pasahod kada araw sa buong Pilipinas.

'Puro naman manggawa'

Hindi nagustuhan ni Dr. Jose Montemayor Jr., na kumakandidato rin sa pagkapangulo, ang mga panukala nina Ka Leody at Pacquiao. Aniya, dapat isipin na nasa COVID-19 pandemic ang Pilipinas, may kriminalidad, atbp. Hindi raw nakabubuti na "puro manggagawa" ang unahin.

"I am pro-labor. Kayo po ba, iniisip niyo po rin ba ang employers? Kasi po you have to balance it," tanong ni Montemayor kay Ka Leody.

"Gusto niyo ba sa pagtaas ng kanilang wages, parang kinakagat niyo na ang kamay na nagpapakain sa inyo?"

"Puro manggagawa, ako naman, manggagawa ako ah sa ospital, pero tandaan natin we are still in the COVID time... Kung palagi na lang tayo puro isang sektor na lang eh 'di tayo uunlad... Nasa puso ko ang mga manggagawa pero maraming problema ang ating bansa."

Dagdag pa niya, "marami" raw korapsyon kahit sa sektor ng paggawa gaya ng lang ng mga "bayarang manggagawa."

Una nang sinabi ni De Guzman na maglalaan siya ng P125 bilyon para tulungan ang micro, small, medium enterprises (MSME) na napilitang magtanggal ng manggagawa habang pandemya kung mahahalal.

'Burn moment'

Ayon kay De Guzman, mahirap idahilan lagi ang economic woes sa gitna ng COVID-19 pandemic lalo na't pagkarami-raming negosyo ang tumabo ng record-high profits sa panahong ito.

"Sa panahon ng COVID, 2021, [nasa] 28% to 94% ang itinaas na net worth ng mga kapitalista," sabi niya.

"Ang gusto ba nating sabihin ba ay patuloy nating pahirapan pa ang ating mga manggagawa? Pasahurin ng slavery wage?... Gusto ba nating patuloy na alipinin ang ating mga manggagawang siyang lumilikha ng kaunlaran ng ating bayan?"

"Bakit hindi natin ibigay sa ating mga manggagawa ang tamang pasahod kapalit ng kanilang pinagtrabahuhan sa kumpanyang kanilang pinapasukan? Huwag nating gawin ang ating mga manggagawa eh miserable ang buhay."

Nakuha pa niyang magbiro at sinabing tila present pala si Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa debate na "wala" na raw ginawa kundi purihin ang mga kapitalista't kagalitan ang mga obrero.

Setyembre 2021 nang iulat ng Forbes na nag-increase nang 30% ang kita ng mga pinakamayaman sa Pilipinas kahit COVID-19 pandemic.

Sa pandaigdigang antas, lumabas sa isang January 2022 report na dumoble ang earnings ng 10 pinakamayayamang tao sa mundo sa gitna ng COVID-19 habang nagdurusa ang pinansya nang karamihan.

2022 NATIONAL ELECTIONS

DEBATES

JOSE MONTEMAYOR JR.

LABOR RIGHTS

LEODY DE GUZMAN

MANNY PACQUIAO

WAGE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with