Ibubulsa?: Domagoso ayaw isaoli 'unused' campaign funds sa donors
MANILA, Philippines — Hindi payag si presidential candidate Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na dapat isaoli ng 2022 candidates sa donors ang campaign funds na sobra't hindi nagastos sa kampanya — dahilan para mag-isa siya sa posisyong ito sa debate.
Una nang sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na pinahihintulutan ang pagbubulsa ng excess campaign funds, pero dahil kinukunsidera nila itong "income" ng kandidato, dapat daw itong buwisan ng gobyerno.
"Hindi ako nagsaoli ng ibinigay sa aking tulong sa kampanya na sobra, ngunit tinupad ko ang aking tungkulin bilang mamamayan na magbayad ng buwis," ani Domagoso sa CNN Philippines debates, Linggo.
"That's why wala po [akong] moral ascendancy to answer the question in favor [of it]. So I have to remain of what I have done in the past and I do not know what I'm going to do in the future."
Una nang sinabi ni Domagoso na inangkin niya ang nasa P50 milyong excess campaign funds noong nakaraang 2016 elections.
Sa siyam na presidential candidates sa debate, tanging si Domagoso ang nag-iisang kontra sa ideya ng pagbabalik ng nasabing excess campaign funds sa mga nagbigay ng donasyon.
Nobyembre 2021 nang isapubliko ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na si Isko ang may pinakamalaking nagastos pagdating sa mga patalastas sa telebisyon mula Setyembre — aabot sa P305.9 milyon. Pinabulaanan niya ito.
Una na niyang sinabi na tatanggapin niya ang tulong mula sa kahit na sino lalo na't kakailanganin niya raw ang lahat ng uri ng tulong. Aniya, malaki na raw ang magagawa ng pag-text ng kanyang mga suporter sa mga kaibigan at kamag-anak patungkol sa kanyang mga plataporma.
"What matter most, you pay your tax [even if you don't return the donations]," dagdag pa ni Yorme.
$15-M donasyon ni Bill Gates?
Sa nasabing debate, bigla na lang pinaratangan ni Jose Montemayor Jr., na kandidato rin sa pagkapangulo, si Isko Moreno ng pagtanggap diumano ng $15 milyong donasyon mula sa Amerikanong si Bill Gates — na isa sa pinakamayaman sa buong mundo.
"It's all over the papers," banggit ni Montemayor, na isang kilalang doktor. Pero paliwanag ni Domagoso, hindi niya maintindihan kung saan niya pinaghuhugot ang kanyang mga ebas.
Ipinagbabawal ng Section 95 at 96 ang pagtanggap ng kontribusyon ng anumang banyaga, tao man o korporasyon, sa sinumang kandidato sa halalan.
"There is no such thing as $15 million. It is prohibitted by law. Bawal pong tumanggap ng mga ganoong klaseng... It's not true, I don't know where you got it," sabi pa ng actor-turned-presidential candidate.
"I beg to disagree with the gentleman doctor that there is such thing."
Biglang kumabig si Montemayor nang magpaliwanag ang alkalde at sinabi niyang "satisfied" siya sa sagot ng huli.
- Latest