^

Bansa

DILG sa LGUs: Gamot sa sari-sari stores i-ban; lalabag aarestuhin ng PNP

Philstar.com
DILG sa LGUs: Gamot sa sari-sari stores i-ban; lalabag aarestuhin ng PNP
Namimili sa tindahan ang babaeng ito habang nakasuot ng face mask laban sa COVID-19
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Nananawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) na tuluyan nang magpasa ng mga ordinansang magbabawal sa mga sari-sari store na magbenta ng mga gamot.

Ito ang hamon ng DILG sa mga pamahalaang lungsod at munisipalidad sa buong Pilipinas matapos makakuha ng mga balitang kumakalat ang pekeng gamot sa mga maliliit na tindahan.

"LGUs should protect the health and general welfare of their constituents. We, therefore, urge LGUs to ensure that sari-sari stores within their jurisdictions are not selling any medicine because under the law, hindi sila autorisado," ani Secretary Eduardo Año, Huwebes.

"Inatasan din natin ang [Philippine National Police] na siguruhing hindi nagbebenta ng gamot ang mga sari-sari store at arestuhin ang sumusuway sa batas lalo na iyong mga naglalako ng pekeng gamot."

 

 

Sa Section 30 ng Republic Act 10918 (Philippine Pharmacy Act), tanging mga botika't tindahang lisensyado ng Food and Drug Administration (FDA) ang maaaring magbenta ng gamot sa mga consumer.

Lunes lang nang manawagan si FDA officer in charge director general Oscar Gutierrez Jr. sa mga lokal na pamahalaang magpasa ng kanya-kanyang ordinansa laban sa pagbebenta ng mga nabanggit na maliit na tindahan ng gamot, bagay na nagawa na raw noon sa Davao de Oro.

Sinuportahan naman ni Año ang FDA at sinabing makikipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng paglalabas ng memorandum circular sa LGUs upang pigilan ang pagbebenta ng mga gamot sa mga establisyamentong hindi otorisado.

"Sisiguraduhin natin na aaksyunan ito ng ating mga LGUs at ng ating kapulisan dahil kalusugan at kapakanan ng ating mga kababayan ang nakataya rito," dagdag 

78 tindahan iligal ang bentahan ng gamot

Ika-14 ng Pebrero nang sabihin ng FDA na aabot na sa 185 ulat ang nakukuha nila pagdating sa mga sari-sari stores na iligal na nagbebenta ng gamot. Sa bilang na 'yan, 78 ang napatunayang guilty.

Walo sa mga naturang tindahan ang kargado ng mga pekeng gamot, kahit na 'yung mga COVID-19 medicines.

Sa dalawang taong pagharap ng Pilipinas sa COVID-19, sinasabing 85 katao na ang naaresto sa pagbebenta ng pekeng gamot sa buong Pilipinas.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpaalala ang FDA sa consumers pagdating sa pagbili ng gamot sa mga sari-sari, convenience stores atbp. unlicensed drug outlets — kahit na noong 2013 pa.

Pwedeng makulong nang hindi baba sa anim na buwan at isang araw ang mga lalabag sa R.A. 8203 (Special Law on Counterfeit Drugs), na nagpaparusa sa mga taong may hawak na pekeng gamot. — James Relativo

COUNTERFEIT

DILG

DRUGS

FOOD AND DRUG ADMINISTRATION

SARI-SARI STORE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with