^

Bansa

P750 minimum wage, tax sa mayayaman 'pakikinabangan' ng negosyo — De Guzman-Bello

James Relativo - Philstar.com
P750 minimum wage, tax sa mayayaman 'pakikinabangan' ng negosyo — De Guzman-Bello
This photo taken on April 11, 2018, shows workers on a construction site beside a highway with heavy traffic in Manila. The Asian Development Bank lifted its outlook for growth in developing Asia this year thanks to a pick-up in the global export demand but it warned of risks from a potential China-US trade war.
AFP/Noel Celis, File

MANILA, Philippines — Sentro sa plataporma ng tambalang Leody de Guzman at Walden Bello ang pagtataas ng minimum sahod at pagbubuwis sa pinakamayayamang Pilipino bilang bahagi ng kanilang "sosyalistang programa," bagay na ikinatatakot ng ilang negosyante.

Pero paliwanag ni Bello (VP candidate), na planong gawing Secretary of Finance ni presidential bet De Guzman, positibo pa nga ang magiging epekto nito sa mga negosyo at kabuuan ng ekonomiya.

"'Yun pong dagdag na sahod, napupunta ho 'yan sa purchashing power ng masa, nagti-trigger ho 'yan ng masiglang ekonomiya kasi meron hong demand," ani Bello, Miyerkules, sa Pandesal Forum.

"Ang problema ho natin ngayon, napakakitid ng demand kasi wala hong purchasing power kasi sinaswapang pong lahat ng mga mayayaman. Ito 'yung malaking problema natin, wala ho tayong effective, sustained national market which can only be sustained by creating purchasing power through such laws as 'yung P750 minimum wage."

Una nang sinabi ni De Guzman na plano niyang itaas sa P750 ang minimum sa sahod nationwide at magpataw ng 20% wealth tax sa 500 pinakamayayamang Pinoy kung mananalong pangulo sa 2022, ang huli gagamitin sa mga programa ng gobyerno habang pinaliliit ang agwat ng mayaman sa mahirap.

Matagal nang itinutulak ng mga manggagawa at progresibo sa loob ng Kamara sa pamamagitan ng Makabayan bloc atbp. ang panawagang P750 national minimum wage. Gayunpaman, nakabinbin pa rin ang panukala sa Konggreso.

Kasalukuyang nakapako sa hanggang P537 ang minimum wage sa Metro Manila, ang pinakamataas sa buong Pilipinas.

"'Yung pagtataas ng sahod, parang worried na worried sila [mga kapitalista]. Mali din 'yung kanilang idea na para bang maghihirap sila kapag itinaas ang sahod ng mga manggagawa. Sa tingin namin ni Walden, kabaliktaran," paliwanag ni De Guzman, na isang lider manggagawa.

"'Pag ang mga manggagawa ay binigyan mo ng dagdag na sahod, benepisyo... hindi naman nila ibabaon sa lupa 'yon, bubulukin... 'yon naman ay ipambibili."

"Parang [kapag] Pasko, 'yung mga tao tumatanggap ng bonus, 13th month, ay gagastusin 'yon ng mga manggagawa. Kaya 'yung panahon ng November, December, napakasigla ng ekonomiya... Umuunlad ang ekonomiya dahil umiikot [ang pera]... Bawas-bawasan ang pagkaswapang sa tubo."

Dagdag pa ni Bello, isang propesor ng sociology at public administration sa University of the Philippines-Diliman, may karanasan na ang mga bansa gaya ng Estados Unidos dito nang taasan ni Henry Ford ang sahod ng kanyang manggagawa, dahilan para ma-afford nila ang mga kotseng kanilang ginagawa.

Dati nang inaalmahan ng mga malalaking negosyante't business sector ang pagtataas ng sahod, habang idinadahilang patatasin nito ang presyo ng mga bilihin at "magbubunsod lalo ng inflation."

Serbisyo publiko vs 'capital flight'?

Ang 20% wealth tax na itinutulak ni De Guzman ay una nang sinabing gagamitin para sa libreng COVID-19 mass testing, pagpopondo sa mga magsasaka, mangingisda — maliban pa sa P125 bilyong pondo para sa micro, small, medium enterprises (MSME).

Pero pangamba ni Alfredo Pascual, presidente ng Management Association of the Philippines, magbubunsod ito ng "capital flight," pagbaba ng investments at pagbaba ng pondo sa economic growth.

"Wealth taxes could be scary, negative implications, some potential adverse effect," ani Pascual sa panayam ng ANC.

"What we need to do is focus on the economy and do what’s necessary to attract investments and enable the environment so that more business can be set up and jobs can be created... Let’s pursue those reforms, that’s the way to go rather than thinking of new taxes to put again as a burden."

Sinagot naman 'yan ni Bello at tinawag 'yang "pagbabanta" ng mga kapitalista mismo sa government officials na maaaring seryosohin ang ideya ng wealth tax.

Aniya, napababa na nga raw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang corporate income tax ng 25-30% noong nakaraang taon, dahilan para maging mas mababa pa ang buwis ng Pilipinas dito kumpara sa United States, Germany, and Japan.

"[This is] unheard of since developing countries as a rule have much higher tax rates on corporate income... Income tax evasion by the very rich is legendary, Lucio Tan being emblematic in this regard. This is why the wealth tax will not only tax income but other streams of wealth like property and stocks," dagdag pa ng VP candidate.

"With a tough wealth tax and tougher tax collection, a Leody/Walden administration won’t need to resort to foreign borrowings to fund better social services, thus balancing if not gaining a surplus in out external accounts." 

"Leaving for tax havens will not be possible under a Leody/Walden administration, since one of the provisions of the wealth tax law will be a high 50% tax on outward capital flows destined for tax havens, which will make capital flight a very unattractive escape route and force the superrich to meet their obligations to their fellow Filipinos."

Gagamitin din daw ng administrasyong De Guzman ang paghahabol sa mga nakaw na yaman ng pamilya Marcos bilang pagdagdag sa pagkukunan ng pera ng gobyerno, maliban pa sa hindi muna pagbabayad ng utang ng estado sa unang limang taon.

Paliwanag pa ni Ka Leody, maaari ring mahikayat ang maraming foreign investors kapag maganda ang edukasyon ng mga Pilipino, bagay na maaaring pondohan ng gobyerno gamit ang tax.

Hiling ng business sector

Kanina lang nang sabihin ng iba't ibang kumpanya na dapat manalo sa 2022 ang isang presidenteng makikipagtulungan sa pribadong sektor, habang inaayos ang dayalogo sa pagitan ng huli at ng estado.

"We need to have that constant dialogue. There should be a bit more trust between the public and private sector. I hope that’s revived in the next administration," ani Cosette Canilao, president at chief executive officer at Aboitiz InfraCapital.

Dating namumuno sa Public-Private Partnership Center of the Philippines si Canilao sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Sa kabila nito, "nagbago" raw ang ihip ng hangin nang itulak ng "Build, Build, Build" program ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpopondo ng karamihan ng projects gamit ang official development assistance o buwis, habang inililipat lang ito sa mga pribadong kumpara para sa operations gaya ng Clark Airport.

Ilan din sa mga itinuturo ng ilang dalubhasa sa "pagpapapababa" sa investor confidence sa Pilipinas ang pangako ni Duterte na "durugin" ang mga oligarko na nagmimintena ng public survices at utilities ng bansa. — may mga ulat mula kay Ramon Royandoyan

2022 NATIONAL ELECTIONS

LEODY DE GUZMAN

TAX

WAGE

WALDEN BELLO

WORKER'S RIGHTS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with