BBM itinanggi ang ‘Tallano gold’
MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang sinasabing Tallano gold sa gitna ng kumakalat sa social media na plano niyang ipamahagi ang mga ito sa taumbayan kapag siya’y nanalo sa darating na halalan sa Mayo.
“Sa buong buhay ko, hindi pa ako nakakita ng gold na ganyan. Marami akong kilala na kung saan saan naghuhukay pero ako wala pa akong nakikita na kahit anong klaseng gold na sinasabi nila,” wika ni Marcos sa panayam ng One News PH.
“Baka may alam sila, sabihan ako, kailangan ko yung gold. Wala pa akong nakikitang gold,” dagdag pa niya.
Ginawa ni Marcos ang pahayag upang pabulaanan ang kinakalat ng kanyang mga tagasuporta sa social media na nagbayad ang royal Tallano family sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ng daan-daang toneladang ginto para sa kanyang serbisyo bilang abogado.
Kahit ang website ng Kilusang Bagong Lipunan, ang partidong itinatag ng pamilya Marcos, ay naglalaman ng kuwento ukol sa Tallano gold.
Bago rito, itinanggi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na mayroon siyang nalalaman ukol sa Tallano gold, na sinasabing pinagmulan ng yaman ng pamilya Marcos.
Tinawag naman ni Sen. Imee Marcos ang Tallano gold bilang “urban legend” sa isang panayam sa telebisyon.
- Latest