Duque kay Acosta: Magpabakuna ka na
MANILA, Philippines — Umapela kahapon si Health Secretary Francisco Duque III kay Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta na magpabakuna na laban sa COVID-19 upang magkaroon na rin siya ng proteksyon laban sa virus.
“Ako ay nananawagan kay PAO chief (Persida) Acosta dahil palagay ko, baka malapit na rin siyang maging senior citizen, eh dapat mabigyan siya ng karagdagang proteksyon sa pamamagitan ng bakuna,” panawagan ni Duque.
Ito ay makaraan ang mga panawagan sa pamahalaan na pilitin si Acosta na magpabakuna na upang maging ehemplo ng pamahalaan. Matapos naman ito sa pag-amin ni Acosta na hindi pa siya nagpapabakuna dahil sa kaniyang edad at iba pang rason ukol sa kaniyang kalusugan.
Naghihintay pa umano siya ng ‘protein-based’ na bakuna na wala pa ngayon sa Pilipinas.
“Ayaw naman na malagay siya sa isang napakapeligrosong katayuan, lalo na kapag ito’y severe to critical COVID infection na alam natin nabibiktima rito ang mga senior citizens at mga taong… gaya ng sinabi niya meron daw siyang ibang mga sakit. So mas lalo na dapat magpabakuna siya bunsod ng kaniyang comorbidities,” paliwanag pa ni Duque kay Acosta.
Nabatid naman na pinagsabihan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra si Acosta na sumunod sa umiiral na panuntunan ukol sa ‘onsite work’ para sa mga hindi bakunadong tauhan ng pamahalaan. Ang PAO ay nasa ilalim ng pamamahala ng DOJ.
Nakasaad sa panuntunan ay dapat bakunado ang mga tauhan na nag-uulat ng personal sa onsite work. Kung hindi pa bakunado, kailangan na sumailalim ang empleyado sa RT-PCR test o antigen test isang beses kada dalawang linggo.
- Latest