PHILRECA bumuo ng TF para tulungan mga miyembrong naperwisyo ni ‘Odette’
MANILA, Philippines — Bumuo ang Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc. (PHILRECA) ng task force para tulungan ang mga miyembrong nasira ang mga power distribution line dulot ng bagyong Odette.
Sa ngayon, nagpakalat na ang Task Force Kapatid ng 23 team na binubuo ng 230 line worker at 21 sasakyan sa Regions 6, 8, 9, 10 at CARAGA.
Mas marami pang electric cooperative (EC) sa Visayas at Mindanao ang nagpahayag ng kanilang intensyon na makiisa sa task force upang pabilisin ang rehabilitasyon ng mga bagsak na power distribution system sa mga rehiyong sinalanta ng bagyo.
Gayunpaman, iniulat ng mga task force leader na nahihirapan silang makipag-ugnayan sa ilang EC dahil sa mga nasirang communication facility.
Sinabi ni PHILRECA president at party-list representative Presley de Jesus na tinapik niya ang ilang ahensiya ng gobyerno partikular na ang Office of Civil Defense upang makipag-ugnayan sa mga EC na tila delay ang sistema ng komunikasyon.
Nais ng task force na magkaroon ng kumpletong pagsusuri ng mga pangangailangan at iba pang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga apektadong EC bago ang deployment ng mga field worker.
- Latest