Dagdag kita sa magsasaka, BHWs, nurses isusulong ni Dr. Padilla
MANILA, Philippines — Bukod sa karagdagang tulong at maagarang pag-ahon sa mga nasalanta ng bagyong Odette, hiling ngayong Pasko ni Partido Reporma senatorial candidate Dra. Minguita Padilla ang malawakang reporma sa agrikultura, gayun din sa pamamalakad sa sistema ng pagbayad sa mga barangay health workers (BHW) at iba pang frontliners.
“Yung mga BHW na palaging mayroong training at may dagdag na kaalaman, kailangang mabigyan ng totoong sweldo at benepisyo, hindi lang allowance,” sinabi ni Padilla. “May pandemya man o wala, sila yung unang frontliners natin.”
Dagdag pa ng doktora na panahon na para mabigyan ng sapat na kita ang mga nurses sa Pilipinas upang hindi na mangibang bansa ang mga ito, lalo na’t nagkukulang ang bansa ng mga health workers sa panahon ng medical emergencies gaya ng COVID-19.
Ito ang ilan sa mga platapormang inihain ng senatorial candidate na kaniyang tatrabahuhin sakaling makapasok sa Senado sa 2022 national elections. Kasama na rito ang parati niyang isinisiwalat na mga maling sistema at katiwalian ng ilan sa PhilHealth. Malaki ang benepisyo, aniya, ang maibibigay sa mga frontliners, health sector at mga pasyente sakaling maayos ang mga mali sa ahensya.
Gusto rin ni Padilla na mabigyan ng malaking kita ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa. Kinakailangan aniya na higpitan pa ng gobyerno ang pagbantay laban sa smuggling.
Kaisa si Padilla sa adhikain ni Partido Reporma standard bearer Sen. Ping Lacson sa paglaban ng soberenya ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Sinabi ng doktora na malaking bagay ito sa ikagiginhawa ng mga mangingisda sa bansa.
- Latest