'State of calamity' idineklara sa probinsya ng Cebu dulot ng Typhoon Odette
MANILA, Philippines — Inanunsyo na ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu ang "state of calamity" kaugnay pa rin ng epekto ng Typhoon Odette.
Ika-16 ng Disyembre kasi nang mag-landfall sa Cebu ang naturang bagyo, bagay na nagdulot ng agarang paglikas ng libu-libo mula sa kanilang bagay dulot ng tindi nito.
"NOW, THEREFORE, I GWENDOLYN F. GARCIA, Governor of Cebu, in consideration of the perambulatory clauses set forth above, and pursuant to the authority vested in me by the law, do hereby DECLARE a STATE OF CALAMITY WITHIN THE ENTIRE PROVINCE OF CEBU," ani Cebu Gov. Gwendolyn Garcia, Biyernes.
"In this regard, the Sangguniang Panlalawigan is urged to immediately convene to pass the necessary resolution adopting this herein declaration."
Batay sa inisyal na pagtatasa ng Provincial Disaster Risk Reduction and management Office - Cebu, lubhang napinsala ng bagyo ang mga kabahayan, gusali atbp. imprastruktura habang nagdudulot ng blackout at kawalan ng tubig sa buong probinsya.
Ayon sa Republic Act 10121, idinedeklara ang state of calamity tuwing may:
- mass casualty
- matinding pinsala sa ari-arian
- pagkasira ng kabuhayan, kalsada at normal na pamumuhay ng tao dahil sa "natural or human-induced hazard"
Ayon sa Section 16 ng batas, maaaring mag-warrant ng "international humanitarian assistance" ang deklarasyon ni Duterte, depende sa pangangailangan.
Maaaring irekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa pangulo ang deklarasyon ng state of calamity sa mga baranggay, munisipalidad, lungsod, probinsya.
Ngayong araw lang nang makapagtala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng casualty at mga sugatan, bagay na patuloy pa rin naman daw bineberipika sa ngayon:
- patay (12)
- nawawala (7)
- sugatan (2)
- preventive evacuation (338,664 katao)
Ilan sa mga rehiyong naapektuhan ng bagyo ang Region 4B, Region 6, Region 7, Region 8, Region 10, Region 11 at CARAGA. — James Relativo
- Latest