1 patay, 2 sugatan sa pananalasa ng Typhoon Odette, ayon sa NDRRMC
MANILA, Philippines — Binawian ng buhay ang isa katao habang ilan naman ang sugatan ngayong patuloy na niraragasa ng Typhoon Odette ang sari-saring parte ng Pilipinas.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Biyernes, posibleng hindi bababa sa isa na ang patay habang dalawa ang nagtamo ng injury kaugnay ng bagyo.
Patuloy pa namang bineberipika ng ahensya ang mga naturang bilang. Aabot na sa 41,434 ang sinasabing apektado ng naturang bagyo, na itinuturing na isa sa pinakamalakas ngayong 2021.
Ilan sa mga apektadong rehiyon sa ngayon ang:
- Bikol
- Western Visayas
- Eastern Visayas
- Northern Mindanao
- CARAGA
Narito naman ang iba pang mga bilang pagdating sa tama ng bagyo sa mga residente:
- lumikas na nasa evacuation centers (14,680)
- lumikas na wala sa wala sa evacuation centers (500)
- bilang ng evacuation centers (192)
- mga apektadong baranggay (249)
Papalo na sa 332,855 ang sumailalim sa pre-emptive evacuation mula sa Region 6, Region 7, Region 8, Region 9 at CARAGA sa ngayon.
Wala pa namang mga datos ngayon pagdating sa halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura.
Nakapagtala na rin ng pagguho ng lupa dulot ng bagyo sa Eastern Visayas habang dalawang erya naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang binaha.
Bandang 7 a.m. nang mamataan ng PAGASA ang mata ng bagyong Odette 90 kilometro timog timogsilangan ng Cuyo, Palawan.
Kasalukuyan namang nasa ilalim ng Signal no. 3 ang:
- hilagang bahagi ng Palawan (El Nido,Taytay, Araceli, Dumaran, Roxas, San Vicente, Puerto Princesa City) kasama ang Cagayancillo at Cuyo Islands
- Guimaras
- timog bahagi ng Iloilo (Tigbauan, Leon, Tubungan, Guimbal, Igbaras, Miagao, San Joaquin)
- timog bahagi ng Antique (Patnongon, San Remigio,San Jose, Belison, Sibalom, Hamtic, Tobias Fornier, Anini-Y)
— James Relativo
- Latest