Bus at truck nagsalpukan: 5 patay, 34 sugatan
MANILA, Philippines — Limang pasahero ang kumpirmadong nasawi habang 34 iba pa ang nasugatan makaraang magbanggaan ang magkasalubong na passenger bus at truck sa Maharlika Highway sa Brgy. Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon kamakalawa ng umaga.
Ang mga nasawi ay pawang mga pasahero ng Leyte bound CUL Transport Bus subalit apat pa lamang ang nakikilala na sina Editha Portillo, 69, ng Leyte; Pacita Nayad, 60 ng Tanza, Cavite; Ma. Analoyd Seyosa, 24, ng Tacloban City at Arturo Espiel.
Ginagamot naman sa Quezon Medical Center (QMC) dahil sa tinamong mga sugat sa katawan ang tsuper ng pampasaherong bus na si Reynaldo Oral, 44, ng Fairview, Quezon City at ang 32 niyang mga pasahero.
Sa MMG Hospital naman sa Lucena City dinala ang driver ng nakabanggaan nilang trak na si Sander Sisic Soliveros, 30, ng Camarin, Caloocan City.
Sa imbestigasyon, binabagtas ng nasabing bus ang kahabaan ng nasabing highway dakong alas-5:45 ng umaga nang biglang bumulaga ang trak na minamaneho ni Soliveros. Hindi na naiiwas ng driver ng bus ang manibela kung kaya natumbok silang mabangga ng trak na agad ikinamatay ng limang pasahero.
Bagama’t nasa ospital pa, patung-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng naturang truck driver.
- Latest