Pangamba ng 'surveillance' inilapit sa pagpasa ng SIM card registration bill sa Kamara
MANILA, Philippines — Tuluyan nang lumusot sa ikatlo at huling pagdinig ng Kamara de Representantes ang panukalang batas na mag-oobliga sa pagpaparehistro ng mga subscriber identity module (SIM) cards, bagay na itinutulak sa Konggreso bilang bahagi ng pagsugpo diumano sa kriminalidad.
Sa botong 181-6-0 ngayong Lunes, aprubado na sa Mababang Kapulungan ang House Bill 5793 — bagay na kikilalanin din bilang "Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act."
Voting 181-6-0, House approves on third and final reading HB 5793, requiring the registration of subscriber identity module cards.
— House of Representatives of the Philippines (@HouseofRepsPH) December 6, 2021
Committee Report: https://t.co/XpmQzsGTpr
"The State recognizes the vital role of information and communications technology in nation building and encourages its growth and development," ayon sa declaration of policy ng HB 5793.
"It is equally cognizant that beneficial as modern technology is, its illegal or malicious use endangers people's lives, damages property, poses hazards to public order, and even threatens the security of nations."
Kaugnay nito, iginigiit ng panukala ang pangangailangan para sa pananagutan sa paggamit ng SIM cards. Aniya, magbibigay ito ng kapasidad sa otoridad na "magresolba ng mga krimen" na gumagamit nito para "mapigilan ang paggawa ng kasamaan."
"Towards this end, the State shall require the registration of [SIM] cards of all users."
Ang paglabag sa anumang probisyon ng naturang panukala ay maaaring umabot ng multang hindi lalagpas ng P1 milyon kung ang offense ay isinagawa ng isang public telecommunications entity, presidente nito o sinumang responsableng opisyal ng PTE.
Counterpart ito ngayon ng Senate Bill 176 ni Sen. Sherwin Gatchalian na siya nang kinonsolida at isinubstitute sa Committee Report noong ika-13 ng Setyembre, 2021.
'Surveillance, paglabag sa privacy'
Ipinaliwanag naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate kanina ang dahilan ng pagtutol nila ng Makabayan bloc sa nasabing panukala, na siyang lalabag daw sa ilang karapatang pantao ng mga mobile subscribers.
"Matagal nang tindig ng representasyon na ito at sampu ng aming mga kasamahan sa Makabayan bloc ang pagtutol sa mandatory SIM Card Registration," ani Zarate sa isang pahayag.
"Ang panukala na ito ay lumalabag sa 'right to privacy' ng mamamayang Pilipino, at sa loob ng panukalang batas na ito, madaling makukuha ng pamahalaan ang akses sa SIM card at makuha ang lahat ng datos ng subscriber na kayang ibigay ng mga telecommunications company."
Bukod pa rito, hindi raw malayong magamit ito ng gobyerno upang "matukoy at mabasa ang lahat ng mga text tawag mula sa mga cellphone."
Abala rin daw ito sa mga konsyumer dahil sa dagdag na proseso upang makagamit ng SIM cards. Tiyak na mahihirapan lang din daw ang National Telecommunications Commission na pangunahan ang bugso ng mga irerehistro kung nagkataon.
"Naiulat na ginagamit lamang ang mga ito sa paniniktik, harassment at paninindak sa mga aktibista at iba pang mamamayan," dagdag pa ng militanteng mambabatas.
Sa ngayon, mas mainam daw na paglaanan na lang ng pondo ang mga imprastruktura para sa mas maayos na connectivity ngayong nakasandig ang malaking bahagi ng ekonomiya sa pangangailangan ng internet.
Ayon naman sa 2022 presidential aspirant na si Ka Leody de Guzman, magandang hindi madaliin ang nasabing panukala at konsultahin ang mga dalubhasa sa digital security lalo na't meron nang Data Privacy Act.
- Latest