COVID-19 wala pa rin sa mga estudyante ng face-to-face classes hanggang ngayon
MANILA, Philippines — Hindi pa rin naitatala ang kinatatakutang COVID-19 sa lahat ng mga estudyanteng lumalahok sa pilot implementation ng harapang mga klase sa pagpapatuloy ng pandemya, ayon sa Department of Education (DepEd).
Inilinaw ito ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, Lunes, kasabay ng pagbabalik sa face-to-face classes ng 28 paaralan sa Metro Manila ngayong araw.
"So far, in the last two weeks, ang report natin ay walang actual COVID positive na naitala," ani Malaluan sa Laging Handa briefing kanina sa state media.
"We have had monitoring and referral... ang iba ay at the home, have exhibited flu-like symptoms at kasama 'yan sa ating protocol. 'Yung health screening. At 'yan ay ginagawa, not only at home, but also in school."
Aabot sa 100 pampublikong paaralan ang unang pinayagang bumalik sa in-person classes sa elementarya at hayskul ngayong taon matapos itong maantala para sa lahat noong 2020. Maliban pa riyan ang nasa 18 pang pribadong paaralan na sumunod dito.
Nadagdagan 'yan ng 177 pang mga eskwelahan ngayong araw sa buong Pilipinas. Gayunpaman, 174 lang ang operational dito sa ngayon.
"Nearly 7,000 learners doon sa unang batch [ang estudyante], at dito sa subsequent batch, hindi ko lang nakuha kung ilan itong next batch but I think this will be more than the first batch dahil mas marami itong number of schools na ito," wika pa ni Malaluan.
"But so far, wala tayong naitatala na actual confirmed positive case of COVID in all of our participating pilot schools. At sana magpatuloy 'yan in the coming days."
Sa huling ulat ng Department of Health (DOH) nitong Linggo, aabot na sa 2.83 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na sa bilang na 'yan ang aabot sa 49,386. — James Relativo
- Latest