Mga grupo ikinatuwa kasong 'murder' vs ilang pulis sa Bloody Sunday killings
MANILA, Philippines — Positibo ang naging pagtanggap ng ilang progresibong grupo sa mungkahi ng Administrative Order 35 Special Investigating Team (SIT) na simulan nang kasuhan ang ilang taong gobyerno pagdating sa sunud-sunod na madudugong operasyon laban sa ilang aktibista mula Cavite, Laguna, Batangas at Rizal.
Miyerkules lang kasi nang kumpirmahin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na inirerekomenda na ang pagsasampa ng "murder" laban sa ilang law enforcement agents na sangkot sa pagkakamatay ni Emmanuel Asuncion — isa sa siyam na aktibistang napatay sa Calabarzon police raids noong Marso.
"We welcome the filing of murder complaints against the police involved in the killing of labor leader and Bayan Cavite spokesperson Manny Asuncion during the Bloody Sunday raids," ani Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) secretary general Renato Reyes Jr. kanina, habang ipinupuntong maanomalya ang insidente.
"The search warrant was for his house but it was served at his office where he was staying. The murder was gruesome as Asuncion was unarmed and with his wife and co-worker. All the circumstances point to premeditated murder."
We welcome the filing of murder complaints against the police involved in the killing of labor leader and Bayan Cavite spokesperson Manny Asuncion during the Bloody Sunday raids. The search warrants and shooting of Asuncion were highly irregular.
— Renato Reyes, Jr. (@natoreyes) December 1, 2021
Marso lang din nang pangunahan ng AO 35 ang imbestigasyon sa naturang politically-motivated killings sa naturang serye ng pagsalakay. Una nang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na napatay ang siyam matapos diumano nila "manlaban" habang hinahainan ng mga search warrants, bagay na itinatanggi ng sari-saring grupo.
Maliban sa siyam na napatay sa insidente, siyam din ang naaresto habang anim naman ang sinasabing "nakatakas" habang hinahainan ng warrant.
Development ng imbestigasyon
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, tanging kaso pa lang ni Asuncion ang hinainan ng kasong murder ng AO 35 SIT para sa preliminary investigation. Sa kabila nito, may ilan pa raw kailangang asikasuhin pagdating sa iba pang mga biktima.
"[In] the case of the death of the [E]vangelista spouses, the National Bureau of [Investigation] is winding up its interviews of witnesses, and the SIT report will be out in about two weeks," paliwanag ni Guevarra, habang tinutukoy ang imbestigasyon kina Chai at Ariel Evangelista ng grupong Ugnayan ng Mamamayan Lavan sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan (UMALPAS KA).
"[The] deaths of [P]uroy dela [C]ruz and [R]andy dela [C]ruz were not included in the probe as no cause-oriented connection was established. [O]ther SIT investigations are going on."
Matatandaang sinabi noon ni Guevarra na tanging pagpaslang na may kinalaman sa mga adbokasiya gaya ng trade unionism, peasant associations, atbp. ang sasakupin ng jurisdiction ng AO 35 Task Force.
Ilan pa mga una nang natukoy na napatay sa insidente Makmak Bacasno at Michael Dasigao, mga miyembro ng urban poor group na SIKKAD. Maliban pa ito kina Greg Dasigao, Abner Esto at Edward Esto.
Naghahanda naman ngayon ang ilang grupo ng kilos-protesta sa ika-10 ng Disyembre kasabay ng International Human Rights Day, lalo na't 56 manggagawa at unyonista diumano ang napatay sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte — maliban pa sa 200 nakakukulong sa "gawa-gawang kaso."
"Kung humakbang na ang hustisya, sisiguraduhin naming magtutuloy-tuloy ito. Sa Human Rights Day, kikilos ang masang manggagawa at anakpawis para makamit ang hustisya para kina Manny Asuncion, Dandy Miguel, Carlito Badion at sa marami pang biktima ng di-makatao, at mamamatay-taong gobyernong Duterte," ani Lana Linaban, Anakpawis national vice President.
"Umaasa kami na sa pamamagitan ng kasong ito ay malalantad at mapapanagot ang NTF-ELCAC ni Duterte na kumukumpas ng mga atakeng ito."
'Sana hindi ito ang huli'
Umaasa naman si Reyes na hindi mahihinto ang pagsasampa ng kaso sa iisang biktima, lalo na't siyam ang napatay sumatutal.
"The Asuncion criminal complaint is the first to be filed, but it shouldn’t be the last," sambit pa ng BAYAN leader.
"All the 9 killed in the police raids were unarmed and were murdered. They deserve justice." — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag
- Latest